top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Priority bill sa 19th Congress

BULGAR
Jul 4, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 4, 2022


Sobrang bilis ng panahon, parang kailan lang ay nanalo tayong Senador, ngunit ngayon ay nangangalahati na agad ang ating termino dahil may bago ng mga manunungkulan sa bagong administrasyon.


Pero sa sobrang bilis ng mga pangyayari ay hindi natin namalayan na noong nakaraang 18th Congress ay umabot na pala sa 530 ang naisagawa nating bills at resolution, 38 dito ang pinagtibay na maging batas, 62 ang nakalusot na sa 3rd reading, 49 ang nasa ilalim ng 2nd reading at nasa 100 ang adopted resolutions.


Parang bigla tayong hiningal noong balikan natin ang mga pinagsikapan natin sa 18th Congress na sa loob ng napakaikling panahon ay ganito na pala karami ang ating nagawa dahil sa labis na pagmamahal sa ating trabaho bilang mambabatas.


Kabilang sa mga batas na ating iniakda ay ang National Press Freedom Day at Night Shift Differential Pay at ang pinakahuli ay ang Extending the Estate Tax Amnesty na lahat ay aprubado na ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.


Hindi naman kasi natin alintana ang pagod, basta trabaho lang tayo nang trabaho at napangiti tayong muli nang makita ang resulta ng ilang panahong pakikipagtalastasan sa Senado na ang tanging inspirasyon lang naman ay ang kapakanan ng ating mga kababayan.


Ngayong Hulyo 25 ay balik na naman tayo sa trabaho, ngunit hindi naman tayo tumitigil dahil kahit wala pa tayong opisyal na komite ay patuloy pa rin ang aking pag-iisip ng mga batas na kakailanganin pa ng ating bansa sa mga susunod na panahon.


Sa katunayan ngayong araw na ito, bilang bahagi ng unang round ay agad tayong magsusumite ng kahit sampu munang panukalang batas at iba pang inihanda ay susunod na nating isusumite.


Unang-una na ang ‘Centenarian Act’- na gusto lang naman natin ay mas maagang pakinabangan ng ating mga lolo at lola ang P100,000 benepisyo-- na sa edad na 80 ay may matatanggap na agad, karagdagan uli sa edad na 90 at ang kabuuan ay pagsapit ng ika-100 taon kaarawan.


Ikalawa ay ang ‘Kabalikat sa Pagtuturo (KAP) Act’ (Teaching Supplies Allowances) na para naman sa mga guro natin, dahil karamihan sa kanila ay nag-aabono ng pambili ng chalk at iba pang teaching supplies na ibinabawas pa sa kinukulang nilang suweldo.


Ikatlo ang ‘Direct Financial Assistance to Filipino Rice Farmers’--ito ay upang palakasin ang hanay ng mga magsasaka sa bansa na karaniwan ay mas pinipili ng pumasok sa ibang hanapbuhay dahil sa hindi na matugunan ang kanilang pangangailangan.


Ikaapat, ang ‘Family Medical Leave Act’ (FMLA) — na ang pakay natin ay mas magkaroon pa ng pagkakataong magkasama-sama ang mga pamilya sa pagresolba sa kani-kanilang problemang medikal.


Ikalima ay ang ‘Karapatan Ang Pabahay (KAP) Act’ na sadyang iniakda natin para sa mahihirap nating kababayan na walang bahay. Naglalayon itong magbigay ng libreng pabahay at siguraduhing ang resettlement areas ay may access sa employment opportunities, healthcare services, school at iba pang kailangang pasilidad.


Ikaanim ay ang ‘Kaayusan sa Adhikaing Pagamutan (KAP) Act’ na tutugon naman sa mabilis na pagtugon sa mga kababayan nating may sakit, mabilis na pagpapaospital at libreng gamutan sa mga kapus-palad nating kababayan.


Ang ikapito ay ang ‘Establishing the National Center for Geriatric Health and Research Institute’- ito ang batas na tutukoy sa mga pagamutan na tutugton sa mismong karamdaman ng ating mga senior citizen sa bansa na wala ng kakayahang magpagamot.

Ikawalo ay ang ‘Reviving the Philippine Movie Industry’ — ito naman ang batas na tutugon para sa mga kasamahan ko sa showbiz industry na labis na nalugmok dulot ng pandemya na lingid sa kalaman ng marami ay nawalan ng trabaho dahil sa nabawasan na ang gumagawa ng pelikula.


Ikasiyam naman ang ‘Kaakibat at Ayuda sa Pag-aaral’ (KAP) — ito ay matagal na nating ginagawa, ngunit hindi kakayaning mag-isa ang lahat ng mag-aaral sa bansa kaya kung may batas ay malaking tulong ito para mas maraming kabataan ang maabot ang kanilang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral.


At ang ikasampu ay ang ‘Kabalikat sa Agrikultura at Pagkain’ (KAP)-mahalagang-mahaga ang batas na ito, lalo pa at bago pa man magpalit ang administrasyon ay nakaamba na ang krisis sa kakapusan ng pagkain at matinding problema sa agrikultura.


Hindi naman sa pagbubuhat ng bangko, ngunit mahigit sa tatlumpong panukalang batas pa ang aking nakahanda, ngunit dahil unang round pa lang naman ay sampu muna at inuna muna natin ‘yung mga problemang nangangailangan na talaga ng batas bilang solusyon.


Huwag magtatampo ‘yung ibang sektor, tulad ng maliliit na negosyante, dagdag sahod sa mga teacher at ibang pang mangagawa, AFP modernization, benepisyo ng PWD at marami pa lahat kayo ay nasa line-up natin at hindi kayo nakakalimutan minu-minuto.


Gusto lang nating ipabatid sa lahat na hindi natin sinayang ang ipinagkaloob ninyong boto dahil kitang-kita naman sa resulta na talagang hindi tayo nagbubutas ng bangko sa Senado dahil seryoso talaga tayong nagtatrabaho at handa na ulit tayo para sa 19th Congress.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page