Prime Billing, bumida sa 3-YO Local Bred Race
- BULGAR
- Jun 12, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | June 12, 2023
Mainit na bakbakan ang nasilayan ng mga karerista nang magwagi si Prime Billing sa 2023 PHILRACOM 3-Year-Old Locally Bred Stakes Race na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Sabado ng hapon.
Hinangaan ng mga karerista ang magandang diskarte ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee Patricio Ramos Dilema, hindi nito inapura sa alisan si Prime Billing, ipinuwesto nito sa segunda upang sundan ang humaharurot na si Sky Story.
Lamang si Sky Story ng isa't kalahating kabayo sa back stretch pero nadikitan siya ni Prime Billing pagsapit ng far turn. Nanatili sa unahan si Sky Story hanggang sa pagpasok ng huling kurbada ay hawak pa rin nito ang bandera.
Nagtagisan ng bilis sina Prime Billing at Sky Story sa rektahan at nakihalo pa ang kalahok na si Keep Da Trick pero sa huling 20 metro ng laban ay kumuha na ng unahan ang winning horse.
Tinawid ng Prime Billing ang finish line ng may isang kabayo ang agwat sa pumangalawang si Sky Story, tersero si Keep Da Trick.
Inirehistro ni Prime Billing ang tiyempong 1:54.8 minuto sa 1,800 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Benjamin Abalos Jr. ang P600,000 premyo sa event na supportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Hinamig naman ng second placer na si Sky Story ang P200,000, habang tig-P100,000 at P50,000 ang nai-uwi ng third at fourth na sina Keep Da Trick at I Under Oath ayon sa pagkakasunod.
Tinanggap naman ng winning breeder na si Mariano Tirona ang P50,000 premyo habang tig-P30,000 at P20,000 ang second at third.





Comments