Pribadong kumpanya, ‘wag pahirapan sa pagbili ng bakuna
ni Ryan Sison - @Boses | March 25, 2021
Pinapayagan na ang mga pribadong kumpanya na bumili ng bakuna kontra COVID-19.
Gayunman, hindi basta-bastang makabibili ang mga kumpanya na nais magturok sa kanilang mga empleyado dahil mayroong guidelines na kailangang sundin.
Ngunit, paano kung ang panuntunan ay mistulang hindi patas at magpapahirap lang sa mga kumpanya?
Kaugnay nito, ipinare-review ng isang kongresista sa Department of Health (DOH) ang guidelines kaugnay sa pagbibigay ng private corporate sector ng donasyon na COVID-19 vaccines sa pamahalaan.
Ito ay kasunod ng mga ulat na nagba-back out at umaalma ang ilang mga kumpanya dahil hindi kakayanin ang dagdag na gastos para sa donasyon ng bakuna na hinihingi ng gobyerno kapag bumili sila ng bakuna.
Kung totoong ganito ang sistema ‘pag nais ng pribadong kumpanya na bumili ng bakuna, nakadidismaya dahil kung tutuusin, galing sa sarili nilang bulsa ang gagastusin para sa pagpapabakuna ng kanilang mga empleyado, pero bakit kailangan pang magbigay ng donasyon sa gobyerno?
Hindi pa ba sapat ang pagkukusa nila para makatulong sa vaccination campaign ng pamahalaan?
Panawagan sa mga kinauukulan, pag-aralan ang panuntunang ito dahil kung afford ng malalaking kumpanya na magbigay ng donasyon, hindi ito nangangahulugan na dapat na ring magbigay ang iba pang kumpanya. Tandaan, ang donasyon ay kusang ibinibigay at hindi sapilitan.
Gayunman, baka gusto lang naman ng pamahalaan na mas maraming mabakunahan, pero bago ang lahat, makuntento na tayo sa pagkukusa ng mga pribadong kumpanya na magbakuna sa kanilang mga manggagawa.
Dahil baka sa halip na magsikap silang makakuha ng bakuna ay ‘wag na lang kung ganito ang sistema.
Kaya plis lang, ‘wag nating pahirapan ang mga pribadong sektor sa pagbili ng bakuna dahil malaking tulong ito para sa mga ordinaryong manggagawa na araw-araw nakikipaglaban sa virus.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments