top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Pribadong establisimyento, dapat sumunod sa kautusan ng pamahalaan hinggil sa face shield

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 19, 2021
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 19, 2021



Nakahinga ng maluwag ang pakiramdam ng marami nating kababayan makaraang aprubahan na ng pamahalaan ang rekomendasyon na luwagan na ang face shield policy ngunit tila may mga umiiral pa ring kalituhan sa pagpapatupad o hindi pagpapatupad nito.


Kung inyong matatandaan ay isa ang inyong lingkod sa nanguna na magsagawa ng pag-aaral kung epektibo ba ang paggamit ng face shield o hindi at marami tayong nakapanayam na mga doktor at eksperto hinggil dito ang nagpatunay na wala itong gamit laban sa COVID-19.


Matapos nating ibulgar sa publiko na sa buong mundo ay tanging ang bansa lamang natin ang may umiiral na kautusan hinggil sa pagsusuot nito ay umani tayo ng maraming suporta at maraming halal na opisyal ng gobyerno ang tumutol na rin sa pagsusuot nito.


Kaya matapos ang kabi-kabilang panawagan ay mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nag-anunsiyo na boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face shield sa mga lugar na nasa ilalim ng COVID Alert Levels 3, 2, at 1 kabilang na ang Metro Manila.


Para naman sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 4, ang local government units (LGUs) at pribadong establisimyento ay nakasailalim sa kanilang diskresyon kung dapat o hindi na dapat pang ipatupad ng paggamit ng face shields.


At tanging ang obligado lamang magsuot ng face shield ay ang mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ), Alert Level 5, at granular lockdown upang maiwasan umano ang pagkalat ng nakamamatay na virus.


Base sa inilabas na memorandum ay inaprubahan na ng Pangulo ang rekomendasyon ng Inter-agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases na limitahan ang paggamit ng face shields epektibo noong Nobyembre 15.


Sa kabila ng katuwaang nararamdaman ay marami sa ating mga kababayan ang nakararanas na kalituhan dahil sa iba’t ibang sistema ng pagbabawal at pagpapatupad na malaking pahirap nga naman sa mga kababayan nating walang sariling sasakyan.


Ang mga may sasakyan ay hindi problema kahit magdala sila ng face shield araw-araw dahil hindi naman ito makaaabala sa kanila na nakatabi lang sa kanilang lalagyan na sakaling kailanganin ay madaling kunin.


Medyo ang malinaw lang sa publiko ay ang obligadong pagsusuot ng face shield ng mga health workers sa mga pagamutan at quarantine facilities na hindi naman tinututulan at wala kahit isang reklamong maririnig.


Ngunit itong nagdaang mga araw, marami sa ating mga kababayan ang nakaranas ng pakikipag-away sa mga security guard ng ilang establisemento dahil ayaw silang papasukin ang walang suot na face shield.


Dahil dito ay nauuwi sa argumento ang lahat dahil ang ikinakatwiran ng bantay ng mga establisimyento na pribado ang kanilang lugar at may sinusunod silang sariling patakaran na dapat ipatupad na kung hindi mangyayari ay matatanggal umano sila sa trabaho.


Hindi natin masisisi ang mga security guards dahil sumusunod lamang sila sa kautusan ng kanilang establisimyento at hindi rin natin masisisi ang indibidwal na pinanghahawakan naman ang kautusan ng pamahalaan na puwede nang hindi magsuot ng face shield — kaya ang resulta ay kaguluhan.


May mga pasahero rin na nakaranas na nakikipag-away sa ilang pampasaherong sasakyan na ayaw din silang isakay dahil wala silang suot na face shield at hanggang sa kasalukuyan ay nagaganap pa rin ang mga pagtatalu-talo hinggil dito.


Malinaw sa iba ang kautusan, malabo sa ilan at hindi natin sinasabi na may mali rito, ngunit kitang-kita na may problema dahil sa kakulangan ng sapat na impormasyon at mas malinaw na panuntunan.


Iritable ang marami nating kababayan kung dapat nilang itago pansamanlata ang kanilang mga face shield o dapat pa rin nilang dalhin araw-araw baka kasi makaengkuwentro sila ng lugar na hindi sila papapasukin dahil kailangang magsuot ng face shield.


Hindi maliit na sakripisyo ang pagdadala ng face shield dahil karagdagang bitbitin ito sa mga taong naglalakad ng walang dalang bag o kung may bag man dagdag-pasikip ito sa kanilang dalahin, partikular ang mga face shield na gawa sa acrylic.


Kung maaari nang lumabas ng bahay at pinapayagan nang hindi magsuot ng face shield, ngunit palagi pa ring may hawak na face shield ang gumagalang indibidwal ay tila karagdagang stress din ito para sa marami nating kababayan.


Isang solidong anunsiyo lang naman ang kailangan ng mga kababayan nating nasa ilalim ng Alert Levels 1, 2 at 3 na puwedeng magtungo kahit saan nang walang suot na face shield maging sa mga pribadong establisimyento para tuluyan nang maibsan ang isipin ng ating mga kababayan.


Marami namang madaling umintindi sa ating mga kababayan, ngunit hindi natin maitatangging may ilan din na palaging nasa kabilang panig ng sitwasyon.


Anak Ng Teteng!



May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page