Preventive suspension, ‘di dapat lalampas sa 30-days
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | July 27, 2022
Dear Chief Acosta,
Mayroong dalawang ikinaso sa aking kapatid na manager hinggil sa kanyang trabaho. Ang nakapagtataka umabot sa 60-araw ang kanyang preventive suspension para sa mga kasong ito, na mayroong higit tatlong linggo lamang ang pagitan nang maipaalam sa aking kapatid. Maaari bang sumailalim ang tao sa 60-araw ng preventive suspension? - Yael
Dear Yael,
Ayon sa Section 1, Rule XIV ng Omnibus Rules Implementing the Labor Code,
“SECTION 3. Preventive suspension. — The employer may place the worker concerned under preventive suspension if his continued employment poses a serious and imminent threat to the life or property of the employer or of his co-workers.
SECTION 4. Period of suspension. — No preventive suspension shall last longer than 30 days. xxx”
Kaugnay nito, ayon sa ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kasong Smart Communications, Inc., et al. v. Jose Leni Z. Solidum (G.R. Nos. 197763 & 197836, 7 December 2015), na sinulat ni Dating Mahistrado Presbitero J. Velasco, Jr.:
“While the Omnibus Rules limit the period of preventive suspension to thirty (30) days, such a time frame pertains only to one offense by the employee. For an offense, it cannot go beyond 30 days. However, if the employee is charged with another offense, then the employer is entitled to impose a preventive suspension not to exceed 30 days specifically for the new infraction. Indeed, a fresh preventive suspension can be imposed for a separate or distinct offense. Thus, an employer is well within its rights to preventively suspend an employee for other wrongdoings that may be later discovered while the first investigation is ongoing.”
Samakatwid, ang preventive suspension ay maaari lamang ipataw kung ang patuloy na pagtatrabaho ng empleyado ay magdudulot ng seryosong banta sa buhay o ari-arian ng kumpanya o ng ibang empleyado. Hanggang 30-araw lamang ang preventive suspension. Gayunman, maaaring mapatawang muli ng panibagong preventive suspension kung nagkataong mayroong madiskubre na ikalawa o bagong kaso habang ginagawa ang imbestigasyon sa naunang kaso.
Base sa mga nabanggit, kailangang tingnan muna kung mayroon bang sapat na basehan, alinsunod sa Omnibus Rules, upang ilagay ang iyong kapatid sa preventive suspension. Ibig sabihin, mayroon bang seryosong banta sa buhay o ari-arian ang kanyang patuloy na pagtatrabaho. Kung wala, mali ang paglagay sa kanya sa preventive suspension.
Kung mayroon namang sapat na basehan ang kanyang preventive suspension, kailangang tingnan kung mayroon bang nadiskubreng bagong kaso laban sa kanya habang isinasagawa ang imbestigasyon sa nauna niyang kaso. Kung gayun nga, legal ang 60-araw na preventive suspension na ipinatawag sa iyong kapatid, basta ito ay isinagawa ng naaayon sa proseso ng batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments