top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Prank callers, dapat maturuan ng leksiyon!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 8, 2021
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | April 08, 2021



Abala at takot ang idinulot ng isang prank caller sa mga bumbero at residente ng isang barangay sa San Juan City noong Linggo ng gabi.


Ito ay matapos sumugod sa naturang barangay ang tatlong truck ng bumbero matapos makatanggap ng ulat na may sunog sa lugar, ngunit nang dumating ang mga ito bandang alas-10:00 ng gabi, napag-alamang wala palang sunog.


Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), tumawag ang prank caller sa 911 nang gabing ‘yun at ibinato sa kanila ang tawag, ngunit habang tumatakbo na ang mga tauhan ng BFP, hindi na ma-contact ng operator ang numero ng caller.


Paliwanag ng BFP, hindi ito magandang biro dahil sa pagmamadali ng mga responder, posibleng maaksidente ang mga bumbero o makadisgrasya ng iba.


Dagdag pa rito, ang mga prank call ay hindi lamang aksaya sa gastos ng gobyerno tuwing rumeresponde dahil sayang din ang minutong mailalaan upang maisalba ang buhay ng isang nasa tunay na emergency.


Habang iniimbestigahan ng BFP-NCR ang insidente, nagbigay-paalala ito sa mga parusang puwedeng kaharapin ng prank caller.


Sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727, ang mga “pranksters” na nagpapakalat ng maling impormasyon ay puwedeng parusahan ng hanggang limang taong pagkakakulong at multang hanggang P40,000.


Matatandaang base sa datos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) noong 2019, umabot sa mahigit 2.5-M prank calls ang natanggap ng hotline 911.


At kahit gustong tugunan, hirap umano silang tuntunin ang mga prank caller dahil kadalasang burner phone o patapong sim card ang gamit nito.


Sa totoo lang, nakadidismaya dahil 2021 na at nakikipaglaban tayo sa pandemya, pero may mga ‘di pa rin tumitigil sa ganitong gawain.


Panawagan sa mga kinauukulan, tutukan din ang ganitong mga isyu dahil kung tutuusin, napakalaking abala nito sa iba nating mga kababayan. Kumbaga, palakasin pa ang puwersa para matiyak maparurusahan ang mga pasaway na ito.


At kayo namang mga pranksters kuno, pakiayos ng trip n’yo. Gamitin n’yo ang oras sa mga kapaki-pakinabang na bagay at ‘wag upang mang-abala sa mga naghahanapbuhay.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page