Prangkahan na… VILMA, MAS TYPE JOWAIN SI HYUN BIN KESA KINA PIOLO, COCO AT ECHO
ni Julie Bonifacio - @Winner | January 29, 2022

Tawang-tawa ang mga netizens sa latest vlog ni Jessy Mendiola sa kanyang YouTube Channel, ang Jojowain o Totropahin Challenge.
Kasama ni Jessy sa kanyang vlog ang biyenang Star for All Seasons at Lipa congresswoman na si Vilma Santos-Recto, ang pinsan ng mister na si Luis Manzano na si Carla at dalawa nilang kasambahay na sina Cindy at Abet.
Sa simula ay tila nahihiya si Cong. Vi sa pagsali sa Jojowain o Totropahin Challenge. But later on, super enjoy na ang nag-iisang Momskie ng mag-asawang Luis at Jessy.
Unang male celebrity na binanggit ni Luis sa Jojowain o Totropahin Challenge ay ang ex-boyfriend ni Cong. Vi na si Edgar Mortiz. Sumunod ay ang perennial leading man ni Ate Vi na si Christopher de Leon. Then, ang Hollywood actor na si Richard Gere.
Tili ni Ate Vi, “Jojowain!”
Ini-reveal ni Luis na may picture si Cong. Vi ni Richard Gere with matching autograph.
“Oh, yes, yes. Kasi, ‘yung brother-in-law ko, sa Paramount (Pictures) nagtatrabaho. And then, there was one time na nakita niya si Richard Gere. Alam niya na paborito ko, nagpapirma, personalized,” pagmamalaki pa ni Ate Vi.
Nakatago raw hanggang ngayon ang nasabing picture ng lead star ng Hollywood film na Pretty Woman with Julia Roberts.
Jojowain din ang sagot ni Ate Vi kina George Clooney at Brad Pitt.
Sa mga local leading men naman, pare-parehong totropahin ang sagot ni Ate Vi kina Piolo Pascual, Coco Martin at Jericho Rosales.
“Piolo? Totropahin. Anak ko ‘yan, eh,” say ni Ate Vi.
At kay Coco, “Tropa rin ako. Hindi ko pa kasi siya masyadong nakikilala talaga. So, wala pa kami talagang…” bitin na sabi ni Congw. Vi.
Wish ni Jessy, magkatrabaho ang kanyang Momskie at si Coco.
Sabi naman ni Luis, "Sana Momskie, mag-ano ka, mag-Probinsyano ka rin. Kasi si Mommy Mega (Sharon Cuneta), nandoon ngayon, ‘di ba?”
Nag-agree naman si Congw. Vi sa sinabi ng kanyang eldest son, habang sobrang na-excite si Jessy for her Momskie na makatrabaho si Coco.
Pagkatapos ni Coco ay si Jericho Rosales naman ang next na pinagpilian nila.
“Jojowain,” sambit ni Jessy. “Crush ko talaga si Echo. Alam din ni Echo na crush ko siya. Kahit dati pa, Echo-Tin days pa, ‘yung Pangako Sa ‘Yo."
Bukod kay Coco, hindi pa rin pala nakakasama ni Ate Vi si Echo. Pero pagri-reveal ng aktres, nagkasama na dapat sila ni Echo nu’ng ginawa niya ang Dekada '70.
Si Jericho raw ang nakita niya sa storycon ng movie, pero pagdating sa shooting, si Piolo na ang nakasama niya.
Next, si John Lloyd Cruz.
“Jinowa mo, ‘di ba?” tanong ni Jessy kay Luis sabay tawa.
Ang tinutukoy ni Jessy ay ang movie nina Luis at John Lloyd with Ate Vi, ang In My Life kung saan gumanap sila as lovers.
Pagkasabing-pagkasabi naman ni Luis sa pangalan ng Korean actor na si Hyun Bin, huminga nang malalim si Congw. Vi saka mabilis na sumagot, “Jowa. Guwapo talaga for Asian.”
On Aljur Abrenica, constituent daw ito ni Congw. Vi sa Batangas.
Looking forward din si Ate Vi na makatrabaho si Derek Ramsay sa pelikula. Kuwento ni Ate Vi, nu’ng may presscon daw si Derek, natanong ang aktor kung sino ang gustong makasama sa pelikula at sinabi ni Derek na si Ate Vi.
Jojowain naman ang sagot ni Ate Vi kay Derek at doon na-reveal na kapitbahay pala ni Ate Vi ang mag-asawang Derek at Ellen Adarna.
Nagdrama naman si Luis pagdating sa Koren actor na si Gong Yoo sa sinabi sa kanya ni Jessy.
“Hihiwalayan kita para sa kanya,” pabirong sabi ni Jessy.
Sagot ni Luis, “Mamaya, maririnig mo ang statement ko.”
Hala! Nangangamoy-hiwalayan ba ito? Hahaha!
Depensa ni Jessy, “Alam mo, Love (Luis) kung bakit crush ko siya? Kasi naaalala kita kapag nakikita ko siya. Hindi ko alam kung bakit. May bawi ako doon, ‘di ba? May baweee.”
Natuwa naman si Ate Vi sa sinabi ni Jessy sabay lagay ng kanyang kamay sa leeg ng manugang, “Muntik ko nang sakalin ‘to, Anak, eh.”
O, ‘di ba, 'kaaliw sila?





Comments