ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Pebrero 28, 2024
]
Siyempre ay hindi natin makakalimutang pasalamatan ang mga kasamahan natin na katuwang nating nag-tawid ng pangarap na ito. And’yan ang chairperson ng komite na si Sen. Imee Marcos na pinagbigyan ang ating hiling na agaran itong maipasa ng Senado, pati na rin ang iba pang mga umakda at sumuporta sa batas na ito. Ang atin ding pasasalamat sa mga miyembro ng House of Representatives na nakipagtulungan din sa atin upang mabilis na maipasa ang panukalang batas na ito.
Ang noon na inaabangan lamang ng ating mga lolo at lola ay isang realidad na. Kung dati ay tinatanong tayo kung kamusta na ito, ngayon ay malugod natin silang sasagutin na simulan na nilang magpalista sa kani-kanilang Office of Senior Citizens Affairs (OSCA) dahil selyado na ang benepisyo sa ilalim ng Revilla Law.
Napakalaking kasiyahan na naipagkaloob natin sa ating mga lolo at lola itong dagdag-benepisyo. Ika ko nga, binibigyan natin sila ng “something to look forward to and hope for” para mas mapangalagaan ang kanilang buhay at kalusugan. Malaking bagay din nga naman sa mga senior citizen na may natatanggap sila galing sa pamahalaan.
Hindi lang naman ito pangarap ng mga matatanda dahil sa katotohanan lamang ay katuparan din ito ng isa sa aking mga pangarap na mayroong legasiyang maiiwan sa oras na matapos ang aking panunungkulan bilang senador.
Simula noong Lunes matapos mapirmahan ng Pangulo ang Expanded Centenarian Law ay nakatatanggap tayo ng napakaraming mensahe ng pasasalamat at pagbati dahil ganap nang batas ang matagal na nating inilalaban nang pukpukan sa Senado at napagtagumpayan naman natin. Napakalaking bagay sa ating mga senior citizen ang ayudang maipagkakaloob sa kanila ng gobyerno lalo na at alam naman nating marami sa kanila ang may mga maintenance medicines na at iba pang mga pang-araw-araw na pangangailangan.
Pagtanaw na din natin ito ng utang na loob sa kanila sa mga nagawa nila noong kabataan nila.
Ang mga ganitong pangangailangan ng ating mga kababayan ay sinasabi mismo sa atin ng publiko sa panahong isinasagawa natin ang regular nating pag-iikot sa iba’t ibang bahagi ng bansa lalo na sa mga lugar na biktima ng kalamidad.
Umasa kayo na umaraw man o umulan, ipagpapatuloy ko sa abot ng aking makakaya ang magagandang layunin at aking mga nasimulan para sa kapakanan ng ating bayan.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments