Pramis ni Sen. Imee, controversial talaga… MOVIE NG MGA MARCOS, ITUTUWID ANG HISTORY
ni Janiz Navida - @Showbiz Special | June 26, 2022

Hindi pa man nasisimulan ang shooting ng Viva Films' latest offering na Maid in Malacañang, tiyak na marami na ang nag-aabang na ipalabas ito, lalo na nang sabihin kahapon ng direktor ng movie na si Direk Darryl Yap, ni Viva Big Boss Vic del Rosario at ni Sen. Imee Marcos sa ginanap na Zoom mediacon na 'most controversial' nga ang pelikulang ito na tatalakay sa last 72 hours ng buhay ng mga Marcos sa Malacañang Palace.
Sabi ng panganay na anak ni the late Pres. Ferdinard E. Marcos, "Siguro naman, may karapatan ang bawat Pilipino na malaman ang nangyayari sa Palasyo nu'ng mga panahong 'yun."
Marami raw mali sa kasaysayan ang itutuwid sa pelikulang Maid in Malacañang kaya ang mga anti-Marcos, tiyak na mag-iipon na ngayon ng pambili ng tiket sa mga sinehan mapanood lang ang bagong obra ni Direk Darryl sa July 20, 2022.
Nakakatawa nga si Sen. Imee nang amining marami pa raw siyang ni-reject sa script dahil ayaw niya ng away, eh, kilalang 'pasaway' at palaban si Direk Darryl (siya lang naman ang direktor ng Revirginized movie ni Megastar Sharon Cuneta) na ang gusto siyempre ay mapag-usapan lagi ang kanyang pelikula, 'no!
But of course, karapatan naman ni Sen. Imee at ng pamilya Marcos na piliin kung anong kuwento o istorya lang ang gusto nilang isama sa movie dahil tungkol 'yun sa pamilya nila.
At hanggang du'n lang naman daw may 'say' ang chikadorang senadora dahil in fairness, hindi na raw siya nakialam sa pagpili ng bubuo sa cast at ipinaubaya na niya 'yun kay Direk Darryl at Boss Vic dahil expertise na 'yun ng dalawa.
Basta happy naman daw siya sa mga napiling artistang gaganap sa mga characters sa movie tulad nina Cesar Montano (as the late Ferdinand Marcos, Sr.), Ruffa Gutierrez (former First Lady Imelda Marcos), Cristine Reyes (Sen. Imee Marcos), Diego Loyzaga (young Bongbong Marcos), Ella Cruz (Irene Marcos) at ang tatlong maids na sina Karla Estrada, Beverly Salviejo at Elizabeth Oropesa.
Si Cristine naman na gaganap na Sen. Imee, aminadong malaking pressure sa kanya ang role dahil hindi lang ito simpleng karakter, kailangan niyang panoorin nang paulit-ulit at pag-aralan ang pagsasalita, pagkilos at pati 'rolling of the eyes' ng senadora.
At maging ang magaling na aktor na si Cesar Montano, aminadong kailangang mag-one-on-one pa sila ni Sen. Imee dahil marami raw siyang gustong itanong at malaman mula sa eldest child ni the late Pres. Macoy nang mabigyan niya ng hustisya ang kanyang karakter sa Maid in Malacañang.
Kaya naman ngayon pa lang, super excited na ang lahat ng cast na bubuo sa movie dahil talaga namang napakalaking challenge sa kanila ang pagganap sa mga karakter sa pelikulang pag-uusapan hindi lang ng 31 milyong sumuporta kina BBM-Sara Duterte last election kundi higit ng mga kalaban ng mga Marcos.
'Yun, oh!!!





Comments