Pramis ni P-Digong, P10-B pondo sa rehabilitasyon at recovery efforts ng mga biktima ni ‘Odette’
- BULGAR
- Dec 23, 2021
- 2 min read
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | December 23, 2021
Kung kailan akala natin na magiging maliwanag na ang Pasko pagkatapos ng dalawang taong nasa ilalim tayo ng pandemya, dumating naman ang Bagyong Odette na nagdulot ng matinding pinsala.
Mahigit 300 katao ang namatay, 500 ang nasugatan at 50 ang nawawala sa kasalukuyan.
Halos 490,000 namang kababayan natin ang napilitang lumikas dahil sa hagupit ng bagyo sa Cebu, Leyte, Bohol, Surigao del Norte, Palawan, Dinagat Islands at iba pa.
Ayon sa mga initial report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, nasa P225 milyon ang infrastructure damage.
Samantala, nasa P176.4 milyon ang pinsala sa agrikultura ayon sa Department of Agriculture (DA) - Disaster Risk Reduction and Management Operations Center.
Inaasahan nating sa susunod pang mga araw ay mabibigyang-linaw ang saklaw ng pinsalang dulot ng Bagyong Odette.
☻☻☻
Nananawagan tayo sa pamahalaan para sa agarang aksiyon nang matulungan ang mga kababayan nating naapektuhan ng bagyo.
Ayon sa Malacañang, nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na maglagak ng P10 bilyong pondo sa pagtugon sa rehabilitation at recovery efforts.
Handa naman tayo sa Senado na humanap ng maaaring magamit na pondo upang matustusan ang pagtulong sa mga kababayan natin.
Sa panahong ito, kinakailangang magtulungan tayo sa halip na mag-girian, kung kaya’t kinikilala natin ang pagpasya ng ilang kandidato para sa pagka-pangulo na isantabi muna ang pulitika nang maituon ang pansin sa pagtulong sa kapwa.
☻☻☻
Nakatataba rin sa puso na tulad nang dati, bukas ang palad nating mga Pilipino sa mga kapwa nating nangangailangan.
Ang tunay na diwa ng Pasko ay nasa pagmamahal natin sa kapwa. Ang pagmamalasakit at pagpapakasakit para sa iba na ipinapamalas natin sa iba’t ibang volunteer work ay magdudulot ng ngiti at pag-asa.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments