Practical test sa mga rider, dapat higpitan
- BULGAR

- Jan 31
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Jan. 31, 2025

Dahil sa marami na ring mga rider ang nagiging pasaway sa mga kalsada, kailangan na sigurong magkaroon ng mas mahigpit na batas para sa kanila.
Kaya naman hihigpitan na ng Land Transportation Office (LTO) ang pagsasagawa ng practical test para sa mga motorcycle rider na kukuha ng driver’s license.
Ginawa ng kagawaran ang anunsyo matapos ang nangyaring aksidente sa Marilaque Highway na ikinasawi ng isang rider habang marami ang nasugatan.
Ayon kay LTO Chief Vigor D. Mendoza II, nabatid nilang kapag kumukuha ng practical test sa LTO, sa ilang mga lugar, atras-abante lang ang sasakyan ay pasado na. Kung kaya aniya, minabuti nilang higpitan na ang practical testing dahil hindi talaga nagagawa ang dapat.
Sisikapin din ng kagawaran na maipatupad agad ang istriktong practical test, kung saan target nila itong gawin sa mga pangunahing lungsod sa ating bansa. Habang natukoy naman ng LTO ang mga lugar para sa practical driving course upang kanilang malaman ang kahusayan ng mga motorcycle rider sa pagmamaneho at kung papasa ang mga ito bago nila mabigyan ng lisensya.
Nais din ng kagawaran na maturuan ang mga estudyante ukol sa road safety para na rin sa kanilang kaligtasan at madagdagan ang kaalaman sakaling kukuha man sila ng driver’s license sa hinaharap.
Sa ngayon, inabisuhan na ng kagawaran ang mga traffic enforcer na mas maging mahigpit na rin sa kalsada dahil sa sunud-sunod na mga insidente.
Itinuturing na ngang hari ng kalsada ang mga kababayang rider dahil sa lakas ng loob sa pagmamaneho at walang takot na sumusulpot sa kung saan-saan.
Kung minsan, wala rin silang habas na sumisingit sa kalsada, basta kayang dumaan ng kanilang sasakyan habang hindi pansin kung mayroon mang naglalakad o tumatawid.
Kaya tama lamang na higpitan ng kinauukulan ang gagawing practical test sa lahat ng rider bago tuluyang isyuhan ng mga lisensya nang sa ganoon ay maiwasan ang anumang masamang insidente.
Hiling lang natin sa mga kababayang rider na sana maging responsable kapag bumabagtas sa mga lansangan at huwag matigas ang ulo upang hindi mapahamak. Gayundin, ayusing mabuti ang pagmamaneho para naman walang madamay o maperhuwisyo.
Higit sa lahat pairalin ang pagsunod sa mga batas-trapiko upang laging makauwi nang ligtas sa ating tahanan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments