top of page

‘Power couple’ raw na hiwalay na… TONI AT DIREK PAUL, PAREHONG NAG-DEACTIVATE NG IG ACCOUNT

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 4 minutes ago
  • 3 min read

ni Janiz Navida @Showbiz Special | February 4, 2026



SPECIAL - TONI AT DIREK PAUL, PAREHONG NAG-DEACTIVATE NG IG ACCOUNT_IG _celestinegonzaga

Photo: IG _celestinegonzaga



Sa kabila ng pagde-deny ni Toni Gonzaga na sila ang ‘Power Couple’ na pinagpipiyestahan sa showbiz na naghiwalay na, ayaw pa rin silang tigilan ng ilang netizens na nakabantay sa kanilang bawat galaw at tila nag-iimbestiga kung tama ang kutob nilang may problema nga sa relasyon ng mag-asawa.


Kahapon ay may natanggap kaming tawag ng isang kaibigan at sabi nito, “Mare, mukhang totoo nga! Dali, i-check mo ang Instagram account nina Toni at Paul, parehong deactivated.”


Naintriga kami sa sinabi niya kaya napa-check nga kami kung totoong deactivated ang parehong IG account ng mag-asawa. 


Well, true nga, nu’ng sinearch namin, ang lumalabas lang ay: “Profile isn’t available.”


Wala kaming direct contact kina Toni at Direk Paul kaya ‘di namin maitanong kung bakit hindi na mahanap ang IG account nila. Pero sa Facebook naman ay available pa rin ang FB account ni Toni.


Huling video na magkasama sina Toni at Direk Paul na naka-upload sa FB account ng aktres-TV host ay nang mag-celebrate sila ng birthday ni Toni nu’ng January 23. 


After that, wala pa kaming nakita uling video na magkasama ang dalawa. 

Bukas ang aming pahina para sa paglilinaw ni Toni sa mga espekulasyon ngayon sa kanilang pagsasama ni Direk Paul.



NAGING emosyonal at nagkaiyakan na naman ang mga batang may Down syndrome (DS) na cast ng pelikulang I’mPerfect nang magsama-sama uli kahapon para sa kanilang contract signing bilang mga opisyal nang talents ng Nathan Studios Artists Management na pinangungunahan ng Chief Operating Officer (COO) na si Ms. Sylvia Sanchez.


Three years ang kontratang pinirmahan ng mga lead cast ng I’mPerfect na sina Krystel Go at Earl Amaba, ganu’n din ng kanilang mga co-stars na kapwa rin may DS na sina Bea Mendoza (anak ng aktor na si Matthew Mendoza), Royce Gian Rivera, Richelle Uy, Gio Dicen, Jonathan Tilos, Javi Sarmiento, Carl Garcia at Angela Batallones.


Present din sa contract signing ang kani-kanilang mga magulang na mas naging emosyonal pa kesa sa mga bata at iisa ang kanilang sinasabi — todo ang pasasalamat nila kay Ibyang (palayaw ni Sylvia) na “Mamang” kung kanilang tawagin at paulit-ulit nilang binabanggit na “thankful at grateful” sila sa tiwala, pagkakataon at pagmamahal na ibinigay ng aktres-turned producer sa kanilang mga anak na kung dati ay minamaliit ng ilang mapanghusgang nilalang, ngayon ay pinupuri at mas inirerespeto na dahil napatunayan ng mga may DS na meron din silang kakayahan na tulad ng sa mga normal na tao.


Nakakatuwa na bago pa nga ang formal at official contract signing kahapon ay una nang nagkaroon ng billboard sa Bench at endorsement ng Nailandia ang mga may DS na cast ng I’mPerfect.


At ngayong opisyal na silang pumirma ng kontrata, handang-handa na ang grupo ni Ibyang na tumanggap ng mga offers sa mga gustong kumuhang artista sa kanyang “Nathan Angels”.


Hindi pa maisa-isa ni Sylvia ang mga projects na gagawin ng kanyang mga Nathan Angels pero isa raw dito ang pinaplano niyang fashion show na tatampukan ng mga ito.

Bukod sa kanyang Nathan Angels, pumirma rin kahapon ng kontrata sa Nathan Studios Artists Management si Ice Almeria, ang nag-grand champion sa Time To Dance show kung saan naging hosts noon sina Gela Atayde at Robi Domingo.


Sa kanila raw muna magpo-focus si Ibyang dahil gusto niyang magkaroon ng magandang showbiz career ang mga bata, although gagawa pa rin naman ng pelikula ang Nathan Studios kapag may magandang project na dumating. 


Kinantiyawan nga namin si Sylvia na mawawalan na siya ng time sa kanyang apo kina Zanjoe Marudo at Ria Atayde dahil sa kabisihan niya bilang producer at natatawang sabi nito, hindi naman daw, may time pa rin siyang makipag-bonding sa kanyang guwapo at mestisong apo, pero sa ngayon, hinahayaan muna niyang i-enjoy nang mabuti nina Z at Ria ang kanilang unico hijo. Kapag nakakalakad na raw ang bata, saka na niya kukunin para maka-bonding nang todo.


Tinanong din namin si Ibyang kung hindi ba niya hinihingan ang isa pang anak na si Arjo Atayde at ang misis nitong si Maine Mendoza na magka-baby na rin.


Sagot niya, “Wala akong pakialam sa kanila. Hindi walang pakialam na negative kundi freedom, desisyon nila ‘yun, bahala sila, problema nila ‘yun. ‘Pag sinabi nilang, ‘Mommy, ganito,’ okay. Ayokong makialam sa buhay nila, not unless manghingi sa akin ng advice. Respeto ko sa kanila ‘yun.”

‘Yun na! 


Well, good luck sa Nathan Angels at sana nga, dumami pa ang mga projects nila after ng success ng I’mPerfect na tinanghal na Best Picture sa MMFF 2025 at nanalo ring Best Actress ang bidang si Krystel Go.

Yes, you can!!!



Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page