top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Positibong epekto ng pandemya sa mga batang pinoy

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 1, 2021
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | February 1, 2021



Medyo nagkakahati-hati ang mga opinyon ng ating mga ekonomista at ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-EID) kung dapat payagang lumabas na ang mga bata dahil sa usaping kaligtasan at ekonomiya.


Sa kabila ng pahayag mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi dapat payagang lumabas ang mga menor-de-edad ay marami pa rin ang naghahabol ng paliwanag kung bakit dapat payagan ang 10-anyos hanggang 65-anyos sa gitna ng modified general community quarantine (MGCQ).


Idagdag pa ang hiling ng mga magulang na labis na umano silang naaawa sa kani-kanilang mga anak na dumaranas na umano ng grabeng pagkainip sa loob ng bahay partikular ang mga nakatira sa condominium na walang gaanong pisikal na aktibidades ang mga bata.


Marami sa mga nakatira sa condominium ang hindi makagamit ng kani-kanilang recreation area dahil sa ipinagbabawal din dahil nga sa banta ng pandemyang ito.


Ngunit hindi alam ng maraming magulang na may napakagandang epekto rin ang pamamalagi ng mga bata sa loob ng bahay dahil bukod sa ligtas sa banta ng COVID-19 ay ligtas din sila sa iba’t ibang klase ng sakit.


Ayon sa pahayag Philippine Pediatric Society (PPS) bumaba umano ng 80% ang mga batang dinadala sa mga pagamutan na dumaranas ng iba’t ibang sakit na hindi nangyayari sa buong kasaysayan.


Lumalabas na ang mga karaniwang sakit na dumarapo sa mga bata ay nakukuha lamang sa paglabas-labas at pakikisalamuha sa mga kalaro o maruruming lugar na hindi alintanang puntahan ng mga bata.


Halos wala na umanong isinusugod sa pagamutan na nagkaroon ng sugat dahil sa aksidente sa paglalaro, maging ang may mga allergy dahil sa kung anu-anong kinakain at pati ang dumaranas ng hika ay nawala na rin.


Ang mga nurses at doktor na dati-rati umanong abala dahil sa sunud-sunod na isinusugod na batang pasyente ay nakararanas ngayon ng kaluwagan para gawin ang iba pa nilang trabaho.


Sa ngayon ay nahaharap umano tayo sa labis na pagtaba at sobrang timbang ng mga bata na hindi lumalabas dahil palaging gadget at telebisyon na lamang ang kaharap na maaaring humantong sa panibagong sakit.


Ito ang panahon na dapat samantalahin ng mga magulang ang pagkakataon, lalo na ‘yung mga work from home na makipaglaro sa kani-kanilang mga anak upang magkaroon ng pisikal na aktibidades.


Maaari umanong makipaghabulan sa mga bata kung ang kanilang tinitirahan ay may espasyo o tahasan nang yayaing mag-ehersisyo ang mga bata para bukod sa mababawasan ang timbang ay magiging masaya pa ang pagpapalipas ng oras.


Isa sa mga dapat na hindi nakakaligtaan ay ang pagbibilad sa araw ng mga bata sa pagitan ng alas-7 hanggang alas-9 ng umaga at kung kulang ang espasyo ay buksan lamang ang bintana at doon itapat ang bata para masikatan ng araw.


Sa mga nasa condominium ay maaari rin umano nilang gamitin ang kanilang lamesa sa kusina at doon ay hikayatin umano nilang umikut-ikot ng ilang ulit ang kanilang mga anak araw-araw para hindi lumabis ang timbang.


Kaya ngayong nakita na ninyo ang positibong dulot nang hindi pagpayag ng pamahalaan na lumabas ng inyong mga tahanan ang mga bata ay tiyak na maiibsan kahit paano ang inyong hinaing sa kasalukuyan nating sitwasyon.


Kung dati-rati ay hindi natin alam kung makaligtas pa tayo sa COVID-19, pero ngayon ay naaaninag na natin ang solusyon dahil kasalukuyan nang pinuproseso ang pagdating ng bakuna sa bansa.


Dapat nating alalahanin ang kasabihang ang kabataan ang pag-asa ng bayan—kung hindi tatamaan ng COVID-19.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page