Positibo sa biglaang drug test, negative sa NBI, PDEA.. Sinibak na hepe, iginiit na 'di adik

ni Mai Ancheta @News | September 9, 2023

Itinanggi ni Police Colonel Cesar Gerente, dating hepe ng Mandaluyong City Police na gumagamit siya ng ilegal na droga matapos magpositibo sa drug test noong August 24 na inilunsad ng PNP-National Capital Regional Police Office (PNP-NCRPO).
Sa panayam sa kanya ng isang TV network, sinabi ni Gerente na hiniling niya noong August 28 na isailalim muli siya sa drug test nang magsagawa ng surprise testing sa buong Mandaluyong Police Station subalit tinanggihan ito.
"Ang sabi ko, i-drug test uli ako. Ang sabi nila, same ihi din naman, balewala, positive pa rin 'yun," ani Gerente.
Dahil dito, nagpa-drug test ang opisyal sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), gayundin sa isang testing center na accredited ng Department of Health noong August 29, 2023 at nitong September 6 ay nagpa-drug test din sa National Bureau of Investigation (NBI) kung saan negatibo lahat ng resulta ng drug test.
Igiiit ng opisyal na hindi siya adik at 'di gumagamit ng ilegal na droga.
"I just want to show that in good faith hindi ako gumagamit ng droga," ani Gerente.
Hinala ng opisyal, posibleng nakaapekto sa resulta ng kanyang drug test noong August 24 ang exposure nito sa mga ebidensyang nakuha sa kanilang drug operations at sa iniinom nitong gamot sa maintenance ng kanyang mataas na sugar sa katawan.
Aminado si Gerente na malaking epekto sa kanyang pamilya ang nangyari sa kanya kaya umaasa itong maaayos din ang lahat at mapatunayang hindi siya gumagamit ng ilegal na droga.





Comments