Posible ang better new year kung magtutulungan tayong lahat!

ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | December 31, 2020
Marami marahil sa atin ang hindi makapaghintay na matuldukan ang taong ito.
Naging madilim na yugto para sa buong mundo ang taong 2020.
Buhay at hanapbuhay, maging ang paraan ng pamumuhay natin ay nagbago dahil sa pandemya.
Marami sa atin ang umaasam na bumalik sa “normal,” sa ginhawa at pamilyaridad ng ating nakaraan.
Maaaring nag-uugat ito sa takot na baka tunay ngang lipas na ang panahong kinagawian natin.
Naipuwersa tayo sa kinabukasang hindi tayo pamilyar, at wala tayong maasahang “template” na maaaring gumabay sa atin sa pagtahak nito.
☻☻☻
“Nowhere to go but UP”
Sa Unibersidad ng Pilipinas, ito ang naging “rallying cry” pagkatapos ng ilang taong lugmok ang varsity teams, lalo na ang Men’s Basketball. Tunay nga namang kung madalas na 0 o 1 win lamang, wala nang ibababa pa.
Mula sa katagang ito ay umusbong ang kilusang tiningnan kung ano nga ba ang mga pagkukulang, ano ang maaaring suportahan, para mapabuti ang kalagayan ng UP varsity teams.
Marami tayong mapupulot na aral sa UP experience sa pagmamarka natin ng panibagong taon.
Ang gusto natin, “better new year.”
Posible ba? Oo, kung pagtutulungan natin.
Sa bawat bagong taon, bawat bagong araw, ay bagong pagkakataon.
May pag-asa tayong bumangon muli. May pagkakataong iwan na nang tuluyan sa nakaraan ang mga hindi kanais-nais na gawi at ideya. Sa ganitong panahon, tunay na nasa ating mga kamay ang kakayahang pumanday ng mas magandang bukas.
Sa sambayanang Pilipino, Manigong Bagong Taon!
Magkaisa nawa’t magtulungan tayo sa pagbalangkas ng mas maayos na anyo ng buhay para sa lahat.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments