Portis, mabangis sa Bucks, Grizzlies, dinale ang GSW
- BULGAR
- Mar 11, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | March 11, 2023

Pinatunayan ni Bobby Portis na handa niyang sagutin ang tawag ng pangangailangan at bumida sa 118-113 panalo ng numero unong Milwaukee Bucks sa bisitang Brooklyn Nets sa NBA kahapon sa Fiserv Forum. Naglabas din ng bangis ang Memphis Grizzlies at tinalo ang World Champion Golden State Warriors, 131-110.
Tinakpan ni power forward Portis ang pagliban ni All-Star Giannis Antetokounmpo at nagbagsak ng 28 puntos at 13 rebound. Tinuldukan ito ng dalawang free throw na nagtayo ng 110-103 lamang at sapat na ito sa huling 1:37 salamat sa napapanahong tira nina Khris Middleton, Brook Lopez at Jevon Carter.
Malayo sa kanilang 16 sunod na tagumpay mula Enero 23 hanggang Marso 1, tatlo na ang magkasunod ng Milwaukee para sa 48-18 panalo-talo at maaaring umabot sila ng 60 panalo sa ika-anim na beses sa kanilang 53 taon sa liga.
Patuloy ding wala si Grizzlies All-Star Ja Morant subalit hindi inisip ng kanyang mga kakampi ang personal niyang suliranin sa labas ng basketball at anim sa kanila ang nag-ambag ng 10 o higit na puntos sa pangunguna ni Tyus Jones na may 22 puntos at 11 assist bilang kapalit ni Morant sa point guard. Kahit naiwasan ni Morant na makasuhan ng pulis o parusa mula sa NBA bunga ng paglalabas ng baril sa publiko sa isang video, tinatayang apat o higit pang laro ang itatagal ng kanyang suspensiyon mula sa koponan.
Ilang oras matapos ang laro ng Memphis ay tumabla muli sa kanila ang Sacramento Kings para sa ikalawang pwesto sa Western Conference sa bisa ng 122-117 pagwagi sa bisitang New York Knicks. Triple double si All-Star Domantas Sabonis na 24 puntos, 13 rebound at 10 assist at tumbasan ang 39-26 kartada ng Grizzlies.




Comments