top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Portasol: Rain or Shine Drying Partner ng mga magsasaka

  • BULGAR
  • Jan 7, 2023
  • 3 min read

ni Fely Ng @Bulgarific | January 7, 2023



Hello, Bulgarians! Ang pagpapatuyo sa araw ay isa sa mga pangkaraniwan at tradisyunal na pamamaraan ng pagpapanatili ng pagkain sa Pilipinas. Bagaman ang gastos ng proseso ay medyo mura, ang pagpapatuyo sa araw ay nagiging problema sa panahon ng tag-ulan. Gayundin, ang mga produktong pinatuyo sa araw ay mas madaling kapitan ng kontaminasyon sa mikrobyo dahil sa pagkakalantad sa hangin at alikabok.


Ang bawat butil ng palay ay katumbas ng butil ng pawis at pagod na inaalay ng mga magsasaka, ngunit maraming palay, mais at monggo ang nasasayang dahil sa hindi maayos na pamamaraan ng pagpapatuyo ng mga ani. Ang tradisyunal na pagbibilad ng palay sa kalsada ay maaaring magdulot ng 10 % loss sa kabuuang ani, ito ay nahahaluan ng dumi ng hayop at nadudurog ang bigas dahil sa maling sistema ng pagpapatuyo kaya bumababa ang kalidad at presyo nito. Sa panahon naman ng tag-ulan ay mabilis masira ang mga palay dahil mataas ang moisture content, bukod pa rito ang pagbibilad ng palay sa kalsada ay maaaring sanhi ng kapahamakan ng mga motorist.


Isang mabisang alternatibo sa pagpapatuyo ng mga palay at iba pang butil ang ngayon ay sikat na imbensyon ni Francisco Pagayon president ng Filipino Inventors Society Producer Cooperative (FISPC) na nagbigay-daan upang malutas ang problema sa pagpapatuyo ng mga pananim. Kaalaman na makapagbibigay ng pangmatagalang solusyon sa mga iniinda ng mga magsasaka.


Hindi nila lubos na inakala na mabilis, malinis at ligtas ang pamamaraan na ito, kaya ikinagalak ito ng libu-libong magsasaka at mangingisda.


Ang portasol ay ang sistema ng pagpapatuyo na tiyak na dalawa hanggang tatlong beses na mas epektibo kumpara sa makalumang pamamaraan. Gawa ito sa aluminum trays at PVC pipes, kaya’t magaan at ligtas ito sa kalawang at madali rin itong linisin.


Ang drying rate ng palay sa portasol ay mas mataas ang recovery kumpara sa iba pang pamamaraan ng pagpapatuyo.


Gumagamit din ito ng natural solar power at conductive rin ang material na gamit dito, kaya pantay-pantay din ang distribution ng init sa mga tray. Sa panahon ng tag-ulan maaaring gumamit ng artificially induce heat galing sa uling at cinders. May sapat itong espasyo sa pagitan ng bawat trays upang mahanginan ang mga butil na nilalagay dito at para maiwasan na din ang molds. Ang imbensyong ito ay maaaring magamit tuwing umuulan sapagkat may takip ito bilang pananggalan sa ulan at sa mga insekto nagsisiliparan. Ang kagandahan nito ay hindi na nangangailangan ng malaking espasyo para ipatayo dahil madali itong bitbitin at ipwesto kung kaya’t mas napabibilis din ang proseso ng pag-ani. Sa pamamagitan nito ay matutulungan ang mga magsasaka para maiwasan ang spoilage ng kanilang mga ani at tumaas ang kalidad at maibenta ito sa mas mataas na presyo. Para maiangat ang kanilang pamumuhay.


Dahil sa tulong ng Department of Science and Technology, kilalang ahensya na naatasang magpaunlad ng mga imbensyon sa ating bansa at tinitiyak na ang Portasol ay ginhawa ang hatid nito kay Juan. Sa katunayan, 300 na piraso nito ang naipamahagi ng ahensya sa mga magsasaka at small medium entrepreneurs na nangangailangan dito. Patuloy na inaanyayahan ng DOST-RO2 ang mga magsasaka at SMEs na gamitin ang tamang paraan ng pagbibilad ng kanilang produkto sa pamamagitan ng Portasol.

Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page