Pork barrel, mistulang aswang, ‘di namamatay, nagbabago lang ng anyo
- BULGAR

- Sep 8
- 2 min read
ni Ka Ambo @Bistado | September 8, 2025

Ang pork barrel ay mistulang ASWANG.
Ito ay immortal — hindi puwedeng mamatay o maglaho — nagbabago lang ito ng anyo.
Minsan aso, minsan pusa, minsan baboy-ramo pero mas madalas ay sa anyo ng isang BUWAYANG NAGLALAWAY-LAWAY sa kaban ng bayan.
----$$$--
NAGKAMPEON si Alex Eala sa WTA Open sa Guadalajara, Mexico.
Mabuhay ang Pilipinas!
----$$$--
INIHAHANAY na si Eala bilang isa sa mga pinakadakilang atleta ng ating panahon.
Sinapawan niya ang mabahong isyu ng katiwalian sa pamahalaan.
-----$$$--
MAG-UUNAHAN ang mga ‘buwaya’ sa pagsakay sa popularidad ni Eala.
Magbabalat-kayo sila na “matalino” at “hindi gunggong”.
-----$$$--
BINALASA ang DPWH.
Huhh, paano ang iba pang ahensya gaya ng PNP, Bureau of Customs, BIR, at maging ang COA?
----$$$-
ANG Commission on Audit ay malinaw na ‘inutil’.
Wala silang kakayahan na IBUNYAG ang katiwalian.
Aktuwal silang kakutsaba?!
-----$$$--
MAGING ang Ombudsman ay malinaw na ‘walang silbi’ gayung nilikha sila ng Konstitusyon upang mapigil ang garapalang pandarambong.
Dapat silang magkusang magbitiw.
----$$$--
DUMIPENSA agad ang Malacanang kaugnay sa isyu ng garapalang pandarambong.
Iisa ang kasalanan ng Malacanang: Command Responsibility.
------$$$--
MAKAKALIGTAS lang ang Malacanang sa paninisi at pagbibintang — kapag “binalasa” ang iba pang ahensya — at hindi lang ang DPWH.
Isang kahinaan ‘yan ng pamahalaan — ang kabiguan na mapigil ang pandarambong.
-----$$$--
MAS epektibo kapag naiiwasan ang pandarambong kaysa ini-expose lang.
Bahala na ang hukuman ang humatol.
Ang proseso sa hukuman — ay isang klase rin ng katiwalian — dahil USAD-PAGONG ang iskema at sistema — bago mahatulan ang mga pusakal na magnanakaw.
----$$$--
‘NILOLOKO’ lang ng mga pulitiko ang ordinaryong mamamayan.
‘Yun ang akala nila.
-----$$$--
SA totoo lang, mulat ang masa sa matagal nang pandarambong ng mga pulitiko.
Ang mga campaign fund na ipinambibili ng boto — alam naman ng mga botante — ay aktuwal na mula sa pandarambong.
-----$$$--
ANG pork barrel ay hindi isang klase ng pondo o budget.
Ang pork barrel — ay isang MODUS OPERANDI.
-----$$$--
KAKAMBAL ang aswang ng alinmang lipunan partikular sa demokratikong gobyerno.
Pero, maging ang mga komunista o sosyalistang bansa — ay batbat din ng korupsiyon sa anyo ng ASWANG.
Iyan ay isang mapait na katotohanang “walang solusyon”.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.







Comments