top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

PopCom, DepEd at SK laban sa teen pregnancies

BULGAR
Jun 22, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 22, 2022


Hindi pa man din opisyal na nauupo bilang Department of Education (DepEd) Secretary si Vice-President-elect Sara Duterte ay nakahanay sa kanyang mga dapat unahin ang pagtugon sa maagang pagbubuntis ng kabataan.


Ito ay kasunod ng pahayag ng Population Commission (PopCom) na epektibong pamamaraan upang mapigilan ang pagtaas ng bilang ng teen pregnancies ay ang pagbibigay ng tamang impormasyon at edukasyon sa murang edad.


Ikinakasa na ng PopCom ang pakikipag-ugnayan sa DepEd upang bigyang-prayoridad na maisama sa pagtuturo ang hinggil sa sex education at hindi lamang sa mga ordinaryong mag-aaral dahil tinitingnan din kung paano makatutulong ang mga kaanib ng Sangguniang Kabataan (SK).


Noong nakaraang taon ay idineklara ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na ang problema ng bansa sa paglobo ng teen pregnancies ay ‘national priority’.


Sa ilalim ng Executive Order (EO) 141 ay nakahanay ang pagpapatupad ng kautusan na tutugon upang mapigilan at matukoy ang sanhi ng mabilis na pagtaas ng bilang ng mga kabataang nabubuntis ng wala sa panahon.


Kabilang sa nilalaman ng EO ang pagkakaroon ng tamang kaalaman ng kabataang babae upang maging matatag ang kanilang desisyon at maintindihan ang kanilang access sa comprehensive sexuality education, reproductive health at tamang serbisyo mula sa pamahalaan.


Kasunod ng maagang pagbubuntis ang patuloy na pagtaas din ng mga problema sa kalusugan ng mga batang naging ina at ng mismong sanggol na isinilang na lantand sa anemia, sexually transmitted infections at postpartum hemorrhage.


Ang Pilipinas ay nakapagtala ng kabuuang bilang na 180, 916 na mga bagong sanggol na isinilang ng mga kabataang may edad 10 hanggang 19 base sa datos na inilabas ng Civil Registration and Vital Statistic System ng Philippine Statistics Authority (PSA).


Base sa datos na ito ay lumalabas na nasa 495 ang isinisilang na sanggol kada araw ng kabataang may edad 10 hanggang 19 at wala pang datos kung ano na ang kinahinatnan ng mga sanggol na ito.


Ayon naman sa United Nations Population Fund Philippines ang maaga at walang planong pagbubuntis ay nagmumula sa pamimilit ay nagreresulta sa hindi pantay na relasyon sa pagitan ng batang babae at mas matandang lalaki na sa kabuuan ay tatlong porsyento lamang ang pinanagutan ng nakabuntis.


Mas marami sa kabataang nabuntis ang dumaranas ng miserableng pamumuhay na nagmula rin sa mahihirap na sektor at lalo pang tumaas ang bilang nito sa kasagsagan ng pandemya kung saan maraming batang babae ang lantad sa pang-aabuso.


Sa ngayon ay walang ibang nakikitang solusyon ang PopCom maliban sa tamang edukasyon na dapat malaman ng mga batang babae sa tamang paraan dahil ang bahaging ito ng paglaki ng mga bata ay hindi nabibigyang pansin ng mga magulang.


Kahit may mga magulang na ngayon na nagsisimula ng turuan ang kanilang mga anak tungkol sa sex education ay mas malaki pa rin ang bilang ng mga magulang na tila nahihiya o tikom ang bibig kung paano nila tuturuan ang kani-kanilang anak.


Nitong nagdaang Mayo lamang, sa local Civil Registry Office ng Baguio City ay umabot sa 108 ang mga batang babae na nabuntis na ang pinakabata ay 13-anyos at ang datos na ito ay naitala lamang mula Enero hanggang sa Mayo ng taong kasalukuyan.


Medyo nakakaalarma ang datos na ito at kung hindi nga mabibigyang pansin ang problemang ito ay tataas din ang epekto nito sa kabuhayan ng mga bagong sibol dahil posibleng tumaas kahirapan sa kanilang hanay kasunod na rin ng pagtaas ng krimen.


Napapanahon din na iniuugnay na ang SK sa problemang ito dahil panahon na para maidagdag sa kanilang responsabilidad ang pagpapakalat ng kaalaman upang makaiwas sa maagang pagbubuntis ang kabataang nasa hanay ng kanilang edad.


Isa ito sa nagtulak sa atin para isulong na maisabatas ang Republic Act No. 11768 na magpapalakas sa SK at magkaroon ng makahulugang layunin ang mga halal na kabataang ito para sa kanilang paglahok sa local governance at nation building.


Nilagdaan na ito ni PRRD at isa ng batas ang RA 11768 o ang “An Act Strengthening the Sangguniang Kabataan, Institutionalizing Additional Reforms to Revitalize Youth Participation in Local Governance and by Providing Honorarium, Other Benefits, and Privileges Amending for the Purpose Certain Sections of Republic Act No. 10742, Otherwise Known as the ‘Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015”.


Kaya tama lang ang desisyon ng PopCom na bukod sa DepEd ay gamitin nila ang SK dahil kayang-kaya na nilang kumilos ngayon at naniniwala akong malaki ang maitutulong ng SK na magsagawa ng mga programa para mapigilan ang maagang pagbubuntis ng mga kabataan.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page