Poole at Thompson, kumilos para sa korona ng Warriors
ni Anthony E. Servinio @Sports | March 4, 2023

Papasok sa huling buwan ng NBA ay todo trabaho ang World Champion Golden State Warriors at nagpadala ng mensahe na hindi nila basta isusuko ang tropeo sa 115-91 tambak sa bisitang LA Clippers sa tampok na laro kahapon sa Chase Center. Isang nakakahilong third quarter ang naging susi upang makapulot ng panalo at manatiling ika-lima sa mahigpit na Western Conference.
Hawak ng Clippers ang 61-49 lamang dalawang minuto pa lang ang lumilipas sa third quarter at iyan na ang hudyat upang ilabas ng Golden State ang kanilang bangis at itayo ang 87-72 lamang. Hindi na nakabawi ang Clippers at umakyat ang Warriors sa 33-30 panalo-talo.
Bumanat ng 34 puntos si Jordan Poole habang tig-19 puntos sina Klay Thompson at Jonathan Kuminga. Wala pang tagumpay ang Clippers sa apat na laro na nandoon ang bagong pirmang dating MVP na si Russell Westbrook at bumaba sa ika-pito na kartadang 33-32.
Malaking tulong ang talo ng Clippers sa Dallas Mavericks na nanaig sa bisitang Philadelphia 76ers, 126-123. Napunta sa Mavs (33-31) ang mahalagang ika-anim na puwesto at makaiwas pansamantala sa delikadong Play-In Tournament para sa mga koponang ika-pito hanggang ika-10.
Sina Luka Doncic na may 42 puntos at 12 assist at Kyrie Irving na may 40 puntos ang unang tambalan sa kasaysayan ng Mavs na sabay nagtala ng 40 o higit na puntos sa isang laro. Sapat na iyan para makontra ang shooting nina Joel Embiid na may 35, Tyrese Maxey na may 29 at James Harden na may 27 puntos at 13 assist.
Sa ibang mga laro, uminit si Kyle Kuzma para sa 30 puntos at ibuhat ang Washington Wizards sa Toronto Raptors, 119-108.





Comments