Poole, Allen, VanVleet at Durant, 'di mapigilan
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 5, 2021

Sumakay ang Cleveland Cavaliers sa malaking numero ni sentro Jarrett Allen upang masugpo ang bisitang Portland Trail Blazers, 107-104, sa NBA kahapon mula sa Rocket Mortgage FieldHouse. Nagtrabaho ng husto ang Cavs upang takpan ang biglang pagkawala ng mga kakamping sina Kevin Love at Lauri Markkanen dahil sa health protocol.
Halimaw si Allen sa 24 puntos at 17 rebounds at sinuportahan ni Collin Sexton na may 21 puntos para sa ika-5 panalo sa siyam na laro. Bago ang laro, gumagawa si Allen ng 13.3 puntos at 9.9 rebound at dinoble niya ito para matakpan ang nawalang 9.9 puntos at 7.3 rebound ni Love at 12.9 puntos at 5.9 rebound ni Markkanen.
Sa gitna ng suliranin ng Cleveland, hindi ipagpapaliban ang mga laro gaya noong 2020 at hihintayin na lang gumaling ang dalawa bago bumalik sa koponan. Mas maluwag ang patakaran ng liga ngayon bunga ng karamihan ng mga atleta, opisyal at staff ay bakunado na.
Sa ibang laro, ibinaon ng Golden State Warriors ang bisitang Charlotte Hornets, 114-92, upang makibahagi sa liderato ng buong NBA kasama ang Utah Jazz at Miami Heat sa 6-1. Pumukol ng pitong tres si Jordan Poole para sa 31 puntos at sinundan ng mag-bayaw na Stephen Curry at Damion Lee na parehong may 15 puntos.
Ang Toronto Raptors ang isa sa pinakamainit na koponan ngayon at naitala ang kanilang ika-limang sunod na panalo sa Washington Wizards, 109-100, para sa kartadang 6-3 galing sa 1-3 sa simula ng torneo. Nagpaulan ng 33 puntos si Fred VanVleet at sinundan ni OG Anunoby na may 21 puntos.
Kumalas ang Brooklyn Nets sa 75-75 tabla sa third quarter upang manaig sa Atlanta Hawks, 117-108. Bumida si Kevin Durant sa 32 puntos at James Harden na may 16 galing sa limang tres at 11 assists at bumuhos ng kabuuang 22 three-points ang Nets.





Comments