Politicians na sanhi sa flood control scam, sure win pa rin sa eleksyon dahil mga botante madaling makalimot, buwisit!
- BULGAR

- 2 hours ago
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 11, 2025

MANANALO PA RIN SA HALALAN SA 2028 ANG MGA POLITICIAN NA SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCAM DAHIL ANG MGA BOTANTE MADALING MAKALIMOT KAPALIT NG BOTO NILA -- Nang mabulgar ang flood control projects scam ay nagpakita ng matinding galit ang taumbayan sa mga politician na sangkot sa katiwaliang ito, at nadagdagan pa ang galit ng mamamayan nang magkaroon ng mga lampas-tao, lampas-bahay na baha na kumitil sa maraming buhay at sumira sa maraming ari-arian.
Kaya kung sa panahong ito magkakaroon ng halalan, siguradong talo na ang lahat ng politicians na sangkot sa flood control projects, kaya lang ang next election ay sa 2028 pa, at ang panahon ng halalan ay nagaganap mula Pebrero hanggang Mayo, panahon ito ng summer o hindi tag-ulan.
Ang nais nating ipunto rito ay dahil walang ulan, walang baha sa panahon ng halalan,
limot na ng mga botante na sila ay binaha dahil sa kagagawan ng mga pulitikong sangkot sa flood control projects scam, tapos idagdag pa ang datung na pang-vote buying ng mga kurakot, sure win pa rin sa eleksyon ang mga ‘buwayang’ politician na
garapalang nang-i-scam sa kaban ng bayan.
Iyan ang malungkot na nangyayari sa ‘Pinas, ang majority ng mga mamamayan ay madaling makalimot sa ginawang pangungurakot ng mga politician, na ibinoboto at ipinapanalo pa rin nila sa halalan ang mga ‘buwayang’ pulitiko kapalit ng ipinambabayad sa kanilang mga boto, tsk!
XXX
PAALALA SA MGA KURAKOT NI ICI CHAIRMAN ANDRES REYES, WALANG TALAB SA MGA ‘BUWAYA’ SA PAMAHALAAN AT SA MGA SCAMMER NA KONTRAKTOR -- Naputakti nang batikos si Independent Commission for Infrastructure (ICI) Chairman Andres Reyes na habang sila ay nagpapa-presscon patungkol sa resulta ng kanilang imbestigasyon sa flood control projects ay naglabas siya ng kartolina na may nakasaad na "what the world needs now is love, not greed, not selfishness" o sa wikang Pnoy ay "ang kailangan ng mundo ngayon ay pag-ibig, hindi kasakiman at hindi makasarili" na ‘ika nga, bilang pagpapaalala niya ito sa mga nasasangkot sa flood control scam.
Mababatikos talaga siya kasi bilang chairman ng ICI ay dapat magpakita siya ng tapang laban sa mga kurakot at hindi magpakita ng ganyang "recollection" dahil sa totoo lang, ang ganyang uri ng paalala ay walang talab sa mga ‘buwaya’ sa pamahalaan at sa mga scammer na kontraktor, period!
XXX
HANGGANG NGAYON 'NGANGA' LANG SI SEN. JV SA ETHICS COMPLAINT NI ATTY. ACERON LABAN KAY SEN. ESCUDERO – “Does the Senate Ethics Committee function?” Ito ang tanong at open letter kay Sen. JV Ejercito, chairperson ng Senate Committee on Ethics, ni Atty. Marvin Aceron dahil ang isinampa niyang ethics complaint laban kay Sen. Chiz Escudero kaugnay sa pagtanggap nito ng P30 million campaign funds sa kontraktor na si Lawrence Lubiano ay hanggang ngayon ay hindi pa inaaksyunan ng Senado, hindi pa rin inaaksyunan ni Sen. JV.
Sa totoo lang, may punto naman talaga si Atty. Aceron na mainip at manguwestiyon kasi nga naman ay noon pang October 2, 2025 niya isinampa ang ethics complaint laban kay Sen. Escudero, pero higit isang buwan na, “Nganga” lang si Sen. JV, wala siyang aksyon sa reklamong ito laban sa kapwa niya senador, boom!
XXX
KUNG MAY IPINAIRAL NA DUE PROCESS SINA FPRRD AT SEN. DELA ROSA SA KAMPANYA KONTRA DROGA NOON, WALA SANA SILANG KASO SA ICC AT HINDI SANA HUMIHINGI NGAYON NG DUE PROCESS -- Matapos kumalat ang balitang may inilabas umano na warrant of arrest laban sa kanya ang International Criminal Court (ICC) kaugnay sa kasong crimes against humanity, ay nanawagan ang kampo ni Senator, former Philippine National Police (PNP) chief Ronald Dela Rosa ng due process, at ganyan din ang hiling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) na pagkalooban ng due process ang ex-president na kasalukuyang nakapiit sa ICC jail.
Kung sana noong panahon ng Duterte administration ay nagpairal ang ex-Pres. Duterte at ex-PNP Chief Gen. Dela Rosa ng due process sa kampanya laban sa droga, hindi nangyari ang bloody drug war, hindi sana nakasuhan sa ICC, at hindi sila ngayon humihingi ng due process, sa kinakaharap na kaso ng dating pangulo na crime against humanity, period!








Comments