POKWANG, RAMDAM NA 'DI MINAHAL NG PADIR NG ANAK SA 6 YRS. NILA, TODO-TIIS LANG
- BULGAR
- Feb 3, 2023
- 5 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters! | February 3, 2023

Ang anak nina Lee O’Brian at Pokwang na si Malia, limang taong gulang, ang nagkumpirma sa mama niya na may ibang babaeng kasama ang Dada niya at inilarawan pa kung ano'ng hitsura.
Base sa kuwento ni Ogie Diaz sa Showbiz Update vlog nila ni Mama Loi kasama si Ate Mrena na in-upload sa YouTube channel nila nitong Miyerkules nang hapon ay nakausap niya si Pokwang nang ilang oras sa cellphone at dito na ipinagtapat ang lahat.
Noong una raw ay nababalitaan lang ni Pokie na may babae si Lee mula sa mga kaibigan niyang nakakakita, pero hindi siya naniniwala. Pero nu’ng anak na si Malia na ang nagsabi ay biglang nag-rewind ang utak niya na totoo pala lahat.
“Idine-deny pa raw ni Papang (Lee) sa kanya pero si Malia rin ang naka-discover. Si Malia ang nagsabi sa kanya (Pokwang) na merong kasamang lady ‘yung kanyang Dada na ganu’n din, parang skinny at morena rin na parang si Pokwang.
“So, biglang nagbalik-tanaw si Pokwang na, ‘Huh? Ito ‘yung ikinukuwento ng friend ko na nakita niya si Papang kasama ‘yung girl na ‘yun,' na hindi siya naniwala. Eh, anak na niya ‘yung nagsabi, so parang… (nagising) na siya.
“Hiniram kasi ni Papang si Malia na inisip ni Mamang na gustong makasama, pero makikita pala ni Malia ‘yung babae at siyempre, may mga ebidensiya rin si Mareng Pokie. Eh, idine-deny pa ni Papang, noon pa pala ‘yung girl, mga sometime in April, 2021. Pero binibigyan pa rin niya ng benefit of the doubt si Papang,” paglalarawan ni Ogie ng senaryo.
Kaya gustong iklaro ni Pokwang na hindi siya bitter dahil mahal pa niya si Papang Lee kaya may mga hanash siya sa social media tulad ng sinasabi ng mga netizens kundi galit na galit siya dahil sa loob ng limang taon ay ni minsan ay hindi nagsustento sa kanilang anak ang tatay nito.
“Akala nila, naging masamang asawa, masyadong mahigpit si Pokie, kaya siguro kumawala sa kanya si Papang, hindi! Hindi n’yo alam kung saan nanggagaling ‘yung poot sa dibdib ni Mamang kasi all this time, ipinagtanggol niya, pinagtakpan niya lahat ng pagsisinungaling para lang bumango ang image raw ni Papang. Ganu’n niya kamahal si Papang,” kuwento ni Ogie.
Balik-tanong ni Mama Loi, “Mahal ba siya ni Papang?”
“'Yun nga. Kaya 'pag nagkita raw sila ni Lee at sinabing 'Hindi na kita mahal,' ang isasagot daw niya ay, ‘Bakit, kelan mo ba ako minahal?’ Kasi hindi naman daw talaga niya naramdaman,” saad ni Ogie.
At dito ini-reveal ni Ogie ang pinag-usapan nila ni Pokwang noon pa na inihingi niya ng permiso na ilabas sa Showbiz Update na noong una pa lang ay hindi sila okay ni Papang Lee. Para na rin malaman ng publiko kung saan nanggagaling ang galit ng komedyana.
“Matagal na itong nakatago sa akin, so, ipinagpaalam ko kay Mareng Pokwang kung puwede kong sabihin dito (vlog).
“Hindi in good terms sina Papang Lee at Mamang Pokie, naghiwalay sila last year, finally. Sa totoo lang, ang tagal nang kinimkim ito ni Mamang Pokwang.
“Hindi pa sila nagkakaroon ng anak, 2015 nagkakilala sila roon sa isang pelikulang ginawa nila (Edsa Woolworth), so, parang nagka-in love-an sila sa una.
“Pero prior sa pagsilang kay Malia, 'di ba nabuntis na si Mamang Pokwang, tapos nakunan?
Nakunan si Mamang kasi ito ‘yung panahong na-stress masyado si Mamang kasi nga si Papang ay hindi pa handa ang loob na magkaroon ng anak.
“Pero siyempre, dyugdyugan sila nang dyugdyugan, siyempre, mabubuntis hanggang sa nabuntis nga ulit si Pokwang at nu’ng nabuntis siya ay lahat siya na ang gumastos, pagpapa-checkup, mga vitamins na iniinom niya habang siya ay buntis kay Malia, sa pagpapaospital, sa binyag, sa unang kaarawan ni Malia, sa lahat ng nagdaang kaarawan kay Malia, siya (Pokwang) na lahat. As per Pokwang, five years na siya lang lahat (gumastos).
“Sabi ko nga, ‘Huh, all these years, ito ang nangyayari sa inyo? Ang husay mo namang umarte, Mare? Kasi every time I visited you sa house, sobrang ganda ng relasyon ninyo ni Papang, inaasikaso mo ako, tapos si Papang (nandoon).’ Nagsu-shoot pa kami sa YouTube, tapos sila, para sa PokLee channel, kaya akala ko, okay sila.”
At sinagot nga raw si Ogie ng komedyana na hindi at mismong mga kaibigan na rin niya ang nakapansing hindi sila naniniwalang mahal ni Papang Lee si Mamang Pokie kaya mega-tanggol pa ang aktres sa ama ng anak na in the end pala ay totoo ang mga sinasabi ng mga friends niya at pamilya na rin na nakasamaan pa niya ng loob dahil sa pagtatanggol kay Lee.
Sa anim na taon din nila ay minsan lang inabutan ni Lee ng bulaklak si Pokwang dahil nakunsensiya yata dahil ang panganay ng aktres na si Mae-Mae ay inabutan ng flowers ang ina. Hindi na ulit nasundan 'yun ni Papang Lee.
Nabanggit din na pati ang US trip ng mag-amang Lee at Malia para dalawin ang magulang ng una at lolo naman ng bagets ay sagot ni Pokwang.
Tiniis lahat ni Pokwang ang sama ng loob at pagtatakip kay Lee para makita ng anak nilang okay sila, para buo ang pamilya nila, pero may hangganan daw pala.
In fairness ay ilang beses sinubukang kausapin ni Mamang Pokie si Papang Lee pero umiiwas ito na siguro ay dahil may iba na ito kaya tumigil na rin siya sa pangarap niyang magkaroon ng buong pamilya.
Nakatakda sanang lumipad patungong Amerika sina Lee at Malia para dumalaw sa magulang ng una, pero nagbago na ang isip ni Pokwang dahil hindi na niya pinayagang isama ang anak.
“May ticket na sila, Feb. 21, at as of press time ay hindi papayagan ni Mamang na isama si Malia kasi nga, nagkakagulo na sila, bakit pa siya papayag? Kaya hindi mabibitbit ni Papang si Malia sa US at siya (Lee) na ang magpaliwanag bakit wala si Malia,” kuwento ni Ogie.
Nu’ng unang linggo na wala si Lee sa bahay ni Pokwang ay hinahanap daw lagi ni Malia, pero ngayon ay hindi na at feeling ng aktres, nararamdaman na ng anak ang sitwasyon nila ng dada niya.
Kung pag-uusapan ang kustodiya kay Malia ay kay Pokwang mapupunta ang anak dahil hindi sila kasal ni Lee bukod pa sa apelyido ng aktres ang gamit ng bagets.
“Nilinaw ni Mareng Pokwang na hindi O’Brian si Malia kundi Malia Francine Subong. (Ipinakita ang tweet ng komedyana na sinasabing next future Ms. Universe ang anak).”
Pero inamin din ni Pokwang na isang taon na siyang umiiyak dahil umasang mabubuo ang pamilya nila, kaso mas pinili raw ni Lee ‘yung present girlfriend niya kaya ipinaubaya na ito ng komedyana.
Nilinaw din ni Ogie ang galit na nararamdaman ng komedyana sa ama ng anak.
“Nabalewala ‘yung pagtatakip ko sa kanya, pagtatanggol ko at pinaganda ko ang image niya sa mata ng mga kaibigan ko,” sabi raw ni Pokwang kay Ogie.
Anyway, bukas ang BULGAR sa panig ni Papang Lee O’Brian tungkol sa mga sinabi ni Pokwang.





Comments