JOSHUA, POGI LANG DAW, SABLAY MAG-JUDGE SA IT'S SHOWTIME, AYAW NANG PABALIKIN NI VICE
- BULGAR
- May 15, 2022
- 2 min read
ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | May 15, 2022

Dalawang araw nang pinagtitripan nang bonggang-bongga ni Vice Ganda si Joshua Garcia sa It’s Showtime matapos na mag-guest ang aktor sa show last Tuesday.
Naging hurado si Joshua at co-star sa Viral Scandal na si Charlie Dizon sa Showtime Sexy Babe segment ng noontime show noong Martes.
Bilang judge, siyempre, kasama sa role nila ay magsabi ng kanilang opinyon tungkol sa mga contestants kapag tinanong ng mga hosts. Nang tanungin si Joshua kung ano ang masasabi niya sa isang sexy babe, ang tagal na hindi nakasagot ng aktor.
Sumagot naman siya after few minutes pero halatang hindi nasiyahan si Vice Ganda sa kanyang sagot. Talagang makikita ito sa facial expression ng TV host na parang nagtataka sa mga pinagsasasabi ng aktor.
“'Yung nagbubulungan kami, ano'ng nangyayari kay Joshua?” natatawang sabi ni Vice after magsalita ni Joshua. Tanong pa niya sa aktor, “Ano'ng nangyayari sa ‘yo?”
Katwiran naman ni Joshua, “Hindi kasi ako prepared, eh. Kasi, galing kaming kuwentuhan, akala ko, hindi kami matatanong, eh.”
Sagot naman ni Vice, “So, hindi kayo na-orient kung ano ang gagawin? Nakakaloka!”
Dagdag pa niya, “Mamaya, iyugyog n’yo ‘yan para magising.”
Kinabukasan ay hindi na si Joshua ang judge at sa halip ay ang isa pa niyang co-star sa Viral Scandal na si Jameson Blake ang kinuhang kasama ni Charlie.
After ng comment ni Jameson ay pinuri ni Vice ang aktor at ikinumpara kay Joshua.
“O, ‘yun! Ganu’n ‘yun, Joshua. Hindi ‘yung idinadaan sa papogi niya,” kantiyaw ni Vice sa aktor.
Kuwento pa niya, inaway-away daw niya si Joshua pagkatapos ng guesting ng aktor dahil nga sa mga sinabi nito.
Pero bumawi rin naman si Vice at sambit niya, “Love you, Joshua!”
Sabi ni Vhong Navarro, “Balik ka, Joshua.”
Sagot ni Vice, “'Wag na. Matutulog siya, pagpahingahin mo muna ‘yung bata. Pagod din naman, naiintindihan namin.”
Hindi pa rito natapos ang pagtitrip ni Vice kay Joshua dahil the following day, Thursday, pinag-usapan na naman nila ang aktor.
Kuwento ni Vice, nag-text sa kanya ang aktor at napanood daw nito ang show kung saan ginawa siyang pulutan.
Sinisisi raw ni Joshua ang co-judge na si Ruffa Gutierrez dahil daldal ito nang daldal habang nasa panel sila kaya hindi siya nakapag-focus sa mga contestants.
Sinagot naman ito agad ni Ruffa, “Hello! You can talk to me and at the same time, judge.”
Gusto raw bumawi ni Joshua pero biro ni Vice, hindi na raw nila pababalikin ang aktor. Ang tawag nga niya ngayon kay Joshua ay “lutang.”
Pabirong mensahe pa niya sa aktor, next time raw, kapag may ipo-promote si Joshua ay ‘wag na itong mag-guest sa show at siya na ang bahalang mag-promote ng project nito. Hahaha! Aliw!
Nag-guest kasi si Joshua para i-promote ang finale week ng Viral Scandal na nagtapos na last Friday.
Well, sa maraming beses naming nakapanayam si Joshua, lagi naman siya talagang parang lutang na matagal sumagot at 'pag sumagot naman, biglang matitigilan sa kalagitnaan na parang hindi na alam ang sasabihin.
Hindi rin namin alam kung bakit pero marahil, talagang kulang lang siya sa focus at madaling ma-distract.
Pero pagdating naman sa pag-arte, nakapagtataka na focused na focused siya at bibilib ka naman talaga sa husay niya bilang aktor.




Comments