PNP at NBI, wa’ aksiyon kung totoong may nanraraket gamit ang pangalan ni Mayor Sara?!
- BULGAR

- Jan 31, 2021
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | January 31, 2021
TOTOO BANG MAY NANRARAKET GAMIT ANG PANGALAN NI MAYOR SARA O “NAG-IINGAY” LANG SIYA PARA SA “SARA FOR PRESIDENT?”—Nanawagan sa publiko si Presidential daughter, Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na huwag maniwala sa mga gumagamit ng kanyang pangalan at nanghihingi ng pera na pang-campaign funds umano sa 2022 election.
Ganu’n? Totoo bang may gumagamit sa pangalan ni Mayor Sara para ipanghingi siya ng campaign funds o nag-iingay lang siya para mas lalong pag-usapan ang pagtakbo niyang pangulo? Boom!
◘◘◘
DAPAT IPAHULI NI P-DUTERTE SA PNP AT NBI ANG MGA NANRARAKET NA GUMAGAMIT SA PANGALAN NI MAYOR SARA—Kung meron talagang nanghihingi ng pera gamit ang pangalan ni Mayor Sara, simple lang ang dapat niyang gawin at ito ay isumbong ito sa kanyang ‘tatay’.
Isang utos lang ni P-Duterte sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI), tiyak na kikilos ang mga ‘yan para dakpin ang nanghihingi ng pera gamit ang pangalan ng presidential daughter, period!
◘◘◘
PULSE ASIA, BAKA MAGLABAS NG GOOD NEWS BILANG PANGONTRA SA MGA BAD NEWS SA ‘PINAS—Sa inilabas na report ng Transparency International, pasok ang Pilipinas sa mga bansa sa mundo na talamak ang korupsiyon, at sa data ng Lowly Institute’s COVID Performance Index, isa ang Pilipinas sa mga bansang mahina ang naging pagtugon o paglaban sa COVID-19.
Naku, baka dahil sa bad news na ‘yan ay biglang sumaklolo ang Pulse Asia sa Duterte gov’t. ay maglabas na naman ng good news na taas-rating ni P-Duterte sa paglaban sa korupsiyon at COVID-19, boom!
◘◘◘
GOBYERNO, SA CHINA DAPAT MAGALIT AT HINDI SA MGA MANGINGISDANG PINOY—Sa isang panayam tungkol sa dalawang barko ng China Coast Guard (CCG) na humarang sa kanilang bangkang pangisda sa karagatang sakop ng Pag-asa Island sa West Philippine Sea (WPS), nasabi nito (Hugo) na nagalit daw sa kanya ang mga awtoridad sa Pilipinas dahil ang post niya tungkol sa pambu-bully ng China ay nag-viral sa social media.
Kung sinumang opisyal ng gobyerno na nagalit kay Hugo ay dapat imbestigahan ‘yan kasi dapat sa China magalit ang pamahalaan at hindi sa mga mangingisdang binu-bully ng mga Chinese sa WPS, period!





Comments