Plunder vs. Romualdez at Escudero, kasado na — Ombudsman
- BULGAR

- 13 hours ago
- 1 min read
ni Jeff Tumbado | April 7, 2026

Iniihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na seryoso nang ikinakasa ng kanyang tanggapan ang kasong plunder laban kina Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez at Senator Francis “Chiz” Escudero kaugnay sa kinalaman umano ng mga ito sa flood control scandal.
Ayon kay Remulla, may elemento ng sabwatan o conspiracy ang reklamong inihahanda at posibleng maisampa ito sa loob ng buwan ng Mayo.
Ipinaliwanag ni Remulla na may kaugnayan ang naturang kaso sa flood control scandal “sa maraming paraan,” at inaasahang marami pang indibidwal mula sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang maaaring madamay.
Sinabi rin niya na iikot ang kaso sa proseso ng pagbuo ng pambansang badyet, partikular kung paano ito ipinasa sa dalawang kapulungan at kung anu-anong proyekto ang naisakatuparan dahil dito.
Ayon pa kay Remulla, maaaring balikan ng imbestigasyon ang panahon ng panunungkulan ni Lord Allan Velasco bilang House Speaker mula 2020 hanggang 2022.
Binanggit din ng Ombudsman na bahagi ng case buildup ang mga testimonya ng mga testigo sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng flood control projects noong nakaraang taon.
Nauna nang itinanggi nina Romualdez at Escudero ang mga alegasyon na sila umano ang nasa likod ng mga kwestiyonableng budget insertion.




Comments