top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Players ng Women's Booters, piling-pili vs. Switzerland

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 20, 2023
2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 20, 2023




Laro ngayong Biyernes – Dunedin Stadium

1:00 PM Pilipinas vs. Switzerland


Ginawa na ng Philippine Women’s Football National Team ang lahat ng paghahanda papasok sa huling 24 oras bago ang kanilang makasaysayang paglaro sa 2023 FIFA Women’s World Cup bukas (Hulyo 21) kontra sa Switzerland simula 1:00 ng hapon, oras sa Pilipinas, mula sa Dunedin Stadium. Subalit bago ang unang sipa sa bola, ang pinakamatinding kompetisyon ay sa loob mismo ng pambansang koponan.


Pagsapit ng 2023 ay lalong humigpit ang labanan ng Filipinas upang mapabilang sa 23 pangalan na tutuloy sa World Cup. Nasaksihan ito sa mga ensayo at sa mga torneong nilahukan gaya ng Pinatar Cup sa Espanya noong Pebrero, Paris 2024 Olympic Qualifier sa Tajikistan noong Abril at 32nd SEA Games sa Cambodia noong Mayo.


Inamin ni Coach Alen Stajcic na naging mahirap pumili ng 23 at ginamit na batayan ang pangkalahatang ipinakita sa mga nakalipas na buwan at mas mahalaga ang kabuuang kalagayan ng katawan at kalusugan ng bawat isa. Sila ang mga tinatayang magiging pinakahanda sa pagsisimula ng mga opisyal na laro at nararapat na kumatawan sa bansa.


Ang paglikha ng mga goal ay nakasalalay sa mga matitinik na forward na sina Sarina Bolden, Meryll Serrano, Chandler McDaniel, Katrina Guillou, Carleigh Frilles at Isabella Flanigan. Tabla sina Bolden at midfielder Quinley Quezada para sa pinakamaraming goal suot ang uniporme ng Filipinas na tig-22.


Kasama ni Quezada sa midfield si kapitana Tahnai Annis at sina Sara Eggesvik, Anicka Castaneda, Jaclyn Sawicki at Ryley Bugay. Sa likod nila ang mga defender sa pamumuno na bise-kapitana Hali Long, Sofia Harrison, Malea Cesar, Dominique Randle, Jessika Cowart, Reina Bonta, Alicia Barker at Angela Beard.


Napipisil na maging numero unong goalkeeper si Olivia McDaniel at kasama niya sina Kiara Fontanilla at Kaiya Jota. Nagtalaga rin ng tatlong reserba sina defender Maya Alcantara, midfielder Isabella Pasion at goalkeeper Inna Palacios.

Susundan ang Switzerland ng tapatan sa co-host New Zealand sa Hulyo 25 sa Wellington. Ang huling laro sa group stage ay kontra 1995 champion Norway sa Hulyo 30 sa Auckland.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page