Plastic palit bigas, malaking pakinabang
- BULGAR
- Sep 5, 2023
- 1 min read
ni Ryan Sison @Boses | September 5, 2023
Kasabay ng pagpapatupad ng P41-P45 presyo sa kada kilo ng bigas ngayong Martes, September 5, isinulong ng lokal na pamahalaan ng Angeles City, Pampanga ang programang plastic kapalit ng kilo-kilong bigas.
Ayon kay Mayor Carmelo Lazatin, Jr., inilunsad ng city government ang “Walang Plastikan-Plastik Palit Bigas” project, kung saan nasa kabuuang 799 kilo ng plastic ang nakolekta mula sa mga vendors, porters at stall owners sa Pampang Public Market nito lamang September 1.
Sinabi ni Lazatin na ang 799 kilong plastic na kanilang nakuha ay pinalitan nila ng 799 kilong bigas, habang ibinigay ang mga ito sa mga nakiisa sa naturang proyekto.
Paliwanag ng alkalde, ito ang unang beses ng kanilang pagbisita sa nasabing palengke kaugnay sa kanilang programang plastic palit bigas na ang layunin ay mahimok ang mga vendors na masanay sa waste segregation at source, kasama na rin ang pagsisikap nila na mapababa kung hindi man matigil ang paggamit ng mga plastic sa kanilang lugar.
Mahusay ang proyektong ipinapatupad ng lokal na pamahalaan ng Angeles City dahil hindi lamang ito makakatugon sa kailangang bigas ng mga residente roon, kundi mababawasan din ang kanilang problema patungkol naman sa basura.
Sa madaling salita, may double purpose ang inilunsad nilang programa na talagang malaking pakinabang ito para sa kanilang bayan.
Sana, mag-isip at magsagawa rin ang mga kinauukulan ng magagandang proyekto tulad nito na makakatulong nang husto sa taumbayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments