top of page

Plastic bottle palit bigas, noodles at sardinas, para sa mahihirap

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 20, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 20, 2024



Para sa mahihirap na mga kababayan, napakahalaga na mayroong natatanggap na ayuda galing man ito sa pamahalaan o sa iba’t ibang samahan, habang nakakatulong naman sila sa pangangalaga ng kalikasan.


Sa inilunsad na proyekto ng Our Lady of Sorrow Church sa Pasay City, bawat 10 plastic bottles ay pinapalitan nila ng bigas, sardinas at instant noodles, ang mga pumipilang taga-roon.


Ayon sa mga residente, malaking tulong at kabawasan sa kanilang gastusin kapag mayroong ganitong nagbibigay sa kanila ng ayuda.


Sa halip anila kasi na ibili pa nila ng bigas at mga pagkain ang kaunting kinikita sa pagtatrabaho, mailalaan na lamang nila ito sa ibang pangangailangan ng pamilya.  


Maliban sa mga ayudang pagkain na ipinamamahagi ng parokya, may meryenda ring ibinibigay habang nakapila ang mga residente.


Batay sa pamunuan ng Our Lady of Sorrow Church, umabot na sa 10,000 residente na mula sa mga kalapit nilang barangay ang nabiyayaan ng mga ayudang pagkain.


Katuwang naman sa naturang proyekto ng simbahan ang Filipino Chinese community kung saan anila, bahagi umano ito ng kanilang selebrasyon ng Chinese New Year. 


Bukod sa kagustuhang makatulong ng parokya, ayon kay Leonor Mendoza-Loor, OIC ng Our Lady of Sorrows Parish Church Foundation, layon din nilang maipabatid sa mga residente ang kahalagahan ng mga basura, at kung paano ang tamang pagse-segrate ng mga ito. Aniya, matututo silang ipunin ang mga plastic bottle na nagkakalat lamang para ipalit ang mga ito sa pagkain, habang nakakatulong pa sila sa pangangalaga ng kalikasan. Ang lahat ng malilikom na mga plastic bottle ay kanila namang gagamitin sa iba’t ibang proyekto ng simbahan.


Mainam ang nagiging partisipasyon ng ating mga kababayan sa pagpoprotekta ng ating kalikasan.


Bukod kasi sa masisinop ang mga tambak na basura ay mabibiyaan pa sila ng mga ayuda na makakatulong naman sa kanilang pamilya.


Salamat naman at may mga samahang kagaya nito na labis ang pagmamalasakit hindi lang sa kanilang kapwa kundi pati na rin sa kalikasan.


Sana lang mas dumami pa ang mga katulad nila na totoo at handang tumulong sa mga nangangailangan.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page