Planong pag-aarmas sa anti-crime volunteers, pag-aralang mabuti!
ni Ryan Sison - @Boses | June 29, 2021
Proteksiyon lamang.
Ito ang tiniyak ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar matapos ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng armas ang mga civilian volunteers.
Una itong tinutulan ng Commission on Human Rights (CHR) dahil labag umano ito sa Konstitusyon.
Ayon sa PNP Chief, bagama’t naiintindihan nila ang pangamba at pag-aalala ng CHR, ang panukala ng Pangulo ay paghikayat at volunteerism at hindi vigilantism.
Ngunit giit ng opisyal ng CHR, ang pag-aarmas ng mga sibilyan na walang pagsasanay at kuwalipikasyon ay posibleng magdulot ng mga pang-aabuso sa karapatang-pantao.
Gayunman, siniguro ng opisyal na daraan sa mahigpit na alituntuin at proseso ang pabibigay ng armas sa anti-crime volunteers kung saan kasama rito ang License to Own and Process Firearms (LTOPF), firearms license at Permit to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR).
Sa totoo lang, tutol din dito ang marami nating kababayan dahil anila, magdudulot ito ng takot sa publiko dahil lalo lang umanong darami ang krimen. ‘Yung iba naman, naniniwalang sapat nang mga pulis at sundalo lang ang may armas.
Siguro, nakadaragdag sa takot ng publiko ang mga insidenteng kinasangkutan ng ilang pulis.
Kaya panawagan sa mga kinauukulan, bagama’t nais ninyong proteksiyunan ang mga volunteers, ‘wag nating kalimutan na marami pang dapat ikonsidera, lalung-lalo na kung posibleng maabuso ang karapatang-pantao.
Oras na maipatupad ito, tiyaking may sapat na kaalaman at kuwalipikado ang mga volunteers na ito. Tandaang napakalaking responsibilidad ng pagbibitbit ng armas dahil sa isang kalabit lang, puwede itong kumitil ng buhay.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments