‘Piyesta’ sa mga kurakot ang pananalasa ng COVID-19 sa ‘Pinas
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 18, 2021
PANG-UUNGGOY LANG ANG MURANG KURYENTE LAW DAHIL SUNUD-SUNOD ANG TAAS-SINGIL NG MERALCO—Noong Aug. 13, 2019 ay pinirmahan ni P-Duterte para maging batas ang “Murang Kuryente Law” at siyempre, ikinatuwa ito ng mga Pinoy, pero ‘yun pala ay pabida lang ng gobyerno ang batas dahil hindi naman ito natupad, at sa halip ay sunud-sunod na ang taas-singil sa kuryente ng Meralco sa National Capital Region (NCR), Central Luzon, Southern Tagalog region at iba pang electric cooperative sa mga probinsiya.
Tumaas ang singil sa kuryente nitong mga nakaraang buwan, at dahil d’yan lumalabas na “pang-uunggoy” lang ng Duterte gov’t. sa mga Pinoy ang “Murang Kuryente Law," buset !
◘◘◘
NAGMISTULANG ‘PIYESTA’ SA MGA KURAKOT ANG PANANALASA NG COVID-19 SA ‘PINAS—Matapos ibulgar ng Commission on Audit (COA) ang kuwestiyunableng paggasta sa P67 bilyon ng Department of Health (DOH) funds, hindi ipinamigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang higit P700 milyong pang-ayuda para sa mahihirap at pagkabisto na higit 1% lang sa P5.5 bilyon ang ibinigay ng Land Transportation Franchise Regulatory Board (LTFRB) sa mga tsuper ay ibinulgar din ng COA ang kuwestiyunableng paggasta ng Department of Education (DepEd) sa higit P8 bilyong pang-distance learning sa mga mag-aaral.
Sa mga natuklasang ito ng COA ay kulang na lang ay sabihin nilang ang pananalasa ng COVID-19 sa bansa ay itinuring na “piyesta” ng mga “buwaya” sa pamahalaan para kurakutin ang pera ng bayan na nakalaan sa mamamayan sa gitna ng COVID-19 pandemic, boom!
◘◘◘
P-DUTERTE, MAS NANINIWALA SA SINASABI NG MGA ALIPORES NA HINDI SILA KORUP KAYSA DATOS NG COA—Muling tinuldukan ni P-Duterte ang panawagan ng iba’t ibang sektor ng lipunan na sibakin si Sec. Francisco Duque III kaugnay sa COA report na kuwestiyunable ang naging paggasta sa P67 bilyon DOH funds, na ayon sa pangulo ay never niyang sisibakin ang DOH secretary dahil hindi ito korup, na walang miyembro sa kanyang Gabinete ang magnanakaw.
Aba, parang sinabi ni P-Duterte na sinungaling ang COA at totoo ang sinasabi ng kanyang mga alipores? Pwe!
◘◘◘
‘REPUBLIKANG WALANG PLAKA’, HINDI LANG SA AQUINO GOV’T. KUNDI PATI SA DUTERTE GOV’T.—Isa sa mga kapalpakan ng administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino III ay ang pagkabigong mapagkalooban ng plaka (plate numbers) ang mga bagong biling sasakyan noon, at sa pag-upo ni Sec. Arthur Tugade sa Department of Transportation (DOTr) ay ibinida niyang tapos na ang “Republikang Walang Plaka” dahil popondohan ng kanyang tanggapan ang pagpapagawa ng mga plaka para sa mga vehicle owners.
Ito na siste, natuklasan ng COA na hanggang ngayon ay hindi pa rin naidi-deliver ang mga plaka ng sasakyan na ginastusan ng DOTr ng higit P2.1-B.
Ibig sabihin, hindi lang sa Aquino administration umiral ang “Republikang Walang Plaka”, kundi pati sa Duterte administration, period!





Comments