Pistons, Clippers, Rockets at Suns, nagmamalakas

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 30, 2021

Itinapal ng Detroit Pistons ang pangalawang sunod na talo sa defending champion Los Angeles Lakers, 107-92, kahapon sa pagpapatuloy ng 2020-2021 NBA sa Little Caesars Arena. Humugot ang Pistons ng mahusay na laro kay Wayne Ellington at Mason Plumlee sa 4th quarter sabay ng biglang guho ng Lakers para sa kanilang ika-limang panalo sa 19 na laro.
Ipinasok ng dating Lakers na si Ellington ang dalawang tres habang namayani sa ilalim si Plumlee para sa 8 puntos sa gitna ng pagliban si Anthony Davis dahil sa masakit na hita. Namuno sa Pistons si Blake Griffin na may 23 puntos habang may 20 si Ellington buhat sa anim na tres.
Nanaig ang Los Angeles Clippers sa Miami Heat, 109-105, para sa kartadang 14-5 at agawin ang pangalawang pwesto. Nagising ang Clippers sa 3rd quarter at umabot ng 18 ang lamang, 88-69, subalit hindi pumayag ang Heat na mapahiya sa kanilang tahanan at unti-unting humabol pero kinapos sa oras.
Gumamit ang Clippers ng balansyadong atake upang takpan ang patuloy na pagkawala nina Paul George at Kawhi Leonard dahil sa protocol. Anim sa siyam na ginamit na manlalaro ni Coach Tyrone Lue ang nagtala ng 10 o higit na puntos sa pangunguna nina Nicolas Batum na may 18 at Lou Williams na may 17.
Bumangon ang Houston Rockets mula sa pagkalugmok ng 20 puntos sa first quarter at binigo ang Portland Trail Blazers, 104-101, para sa kanilang pang-apat na sunod na panalo. Sinigurado ni Eric Gordon ang panalo sa dalawang free throw na may dalawang segundong nalalabi at nagmintis ang tres ni Anthony Simons para makahinga ng maluwag ang Rockets.
Binuhay ang Rockets nina Victor Oladipo na may 25 puntos, Christian Wood na may 22 puntos at John Wall na may 20 puntos. May kartadang 8-9 na ang Houston at 5-3 buhat noong lumipat ang dating superstar na si James Harden sa Brooklyn Nets at dumating si Oladipo.
Samantala, nagbukas na ang botohan para sa 2021 All-Star Game. Maaaring bumisita at bumoto araw-araw sa NBA.com para sa paboritong tig-limang manlalaro para sa Eastern at Western Conference tulad ni kabayan Jordan Clarkson ng numero unong koponan Utah Jazz (14-4) hanggang Pebrero 16.
Sa isa pang laro, nagwagi ang Phoenix Suns sa Golden State Warriors, 114-93. Namuno sa Suns si Mikal Bridges na may 20 puntos at sina Jae Crowder at Abdel Nader na parehong may 16 puntos habang lima pang ibang Sun ay may 12 o higit pang puntos para sa kartadang 9-8.





Comments