Piso vs. dolyar, P64+ na... Don't panic — PBBM

ni Mylene Alfonso @News | October 29, 2026

Photo: Pangulong Bongbong Marcos - FB
Pinawi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga pangamba sa gitna ng patuloy na paghina ng piso matapos lumagpas sa P64 kada isang dolyar at magtala ng panibagong pinakamababang halaga sa kasaysayan.
“Well, first of all, do not take it with alarm. Don’t panic,” pahayag ni Marcos sa ambush interview sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City nitong Miyerkules, kaugnay ng pagdiriwang ng ika-32 National Correctional Consciousness Week.
Ayon sa Pangulo, ginagawa ng kanyang administrasyon ang lahat ng makakaya upang maipagtanggol ang halaga ng piso laban sa dolyar.
“People can take solace in the fact that our policy towards the peso is to continue to defend the peso as hard as we possibly can. We have all the tools to defend the peso. We have all the means to defend the peso,” punto ni Marcos.
Dagdag pa niya, patuloy na kikilos ang pamahalaan upang hindi na lalo pang humina ang piso, partikular laban sa dolyar na lumalakas din ang halaga.
Nagtala ang piso ng intraday low na P64.18 kada dolyar, na mas mababa kaysa sa naitalang P64.17 kada dolyar sa pagsasara ng kalakalan noong Martes.
Nabatid na iniuugnay ang patuloy na paghina ng lokal na pera sa pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado bunsod ng krisis sa Middle East.
Kabilang din sa mga binanggit na dahilan ang pagmahal ng langis at mga produktong petrolyo.
Gayunman, tiniyak ni Marcos na nananatiling malusog ang foreign exchange reserves ng bansa, na ginagamit ng pamahalaan upang makatulong na ipagtanggol ang piso.
“D'yan tayo kumukuha para i-defend ‘yung peso. So we will continue to defend the peso,” pahayag ng Pangulo.
Nangako rin ang Pangulo na tutugunan ang nakaambang pagtaas sa mga presyo ng pagkain.
“The inflation is coming from the supply side. It’s a supply-side inflation. So monetary measures can only go so far. We have to do other ways,” paliwanag niya.
Bagama’t aminadong walang direktang kontrol ang pamahalaan sa pandaigdigang presyo ng langis, sinabi ni Marcos na may mga hakbang itong maaaring gawin upang mapababa ang presyo ng pagkain.
“Oil, we can do nothing about. Food, we can. And we are doing, again, everything that we can to make sure that the prices of food come down,” dagdag ng Pangulo.





Comments