Pinoy na may pag-asang sasalubong ng 2021, bumaba

ni Ryan Sison - @Boses | December 31, 2020
Tunay na sinubok ng 2020 ang bawat isa sa atin.
Mula sa pagsabog ng bulkan, pandemya, bagyo, lindol at baha, sama-sama natin itong hinarap at ngayong papatapos ang taon, panibagong pagsubok ang naghihintay sa atin.
Ngunit base sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, sa kabila ng lahat ng ating pinagdaanan ngayong 2020, 91% ng mga Pinoy ang nagsabi na may pag-asa nilang haharapin ang 2021.
Sa kabilang banda, 1% sa mga lumahok sa survey ang nagsabing haharap sila sa Bagong Taon nang walang pag-asa, samantalang 8% ang hindi makapagsabi kung sila ay may pag-asa o wala.
Gayunman, ito umano ang pinakamababang bilang ng Pilipino na sasalubong nang masaya at may pag-asa sa Bagong Taon.
Marahil, ito ang resulta ng marami tayong kababayan na nawalan at patuloy na nawawalan ng hanapbuhay, kumakalam ang sikmura, nawalan ng mahal sa buhay dahil sa bagsik ng COVID-19 at marami pang iba.
Bagama’t ‘ika nga, tila dumaan lang ang taong ito, hindi maitatangging napakaraming nangyari sa bansa at sa bawat isa sa atin.
At iba’t iba man ang naging epekto ng 2020 sa ating lahat, totoong taglay nating mga Pinoy ang tatag ng loob at pananalig na magiging maayos din ang lahat.
Ngayong may panibagong hamon tayong kakaharapin dahil pa rin sa pandemya, ‘wag tayong mawalan ng pag-asa na malalampasan din natin ito.
Sa pagsalubong sa 2021, sabay-sabay tayong tumayo muli at manalig na anumang laban ang ating haharapin sa susunod na taon, ito ay mapagtatagumpayan natin, basta’t tayo ay sama-sama.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments