Pinoy experts, palalakasin kontra cyberattacks
- BULGAR

- May 22, 2024
- 3 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | May 22, 2024

Dahil sa sunud-sunod na cyberattacks na nararanasan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, mga negosyo, at ang pinakahuli nga ay ang isyu ng wiretapping umano ng Chinese Embassy sa isang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay pagsasama-samahin na ng pamahalaan ang husay at galing ng mga ekspertong Pinoy sa cybersecurity upang magsilbing alagad laban sa cyberattacks sa bansa.
Mismong si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. (PBBM) na ang nagpakilos sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at sa Department of Science and Technology (DOST) upang paigtingin ang cybersecurity ng bansa.
Ayon kay PBBM, nakipag-usap na umano sila sa maraming eksperto at ilan sa kanila ay pinili bilang pinakamahuhusay na silang gagawing operatiba upang palakasin pa ang cybersecurity sa bansa.
Kasabay nito, sinabi ng Pangulo na hindi na kailangan pang muling paalalahanan ang mga ahensya ng gobyerno na mag-ingat laban sa cyberattacks dahil polisiya na ng pamahalaan na palaging maging alerto laban sa mga ganitong pag-atake.
Napakaraming ahensya ng pamahalaan ang naging biktima na ng cyberattack kaya mataas na rin ang kaalaman ng lahat hinggil sa iba’t ibang klase nito.
Hindi pa matiyak kung ano ang konkretong plano ng pamahalaan hinggil sa mga napiling eksperto laban sa cyberattacks kung ihahanay sila sa mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) o ordinaryong manggagawa na lamang ng pamahalaan.
Ang mahalaga ay magpakitang gilas na agad ang mga napiling eksperto upang kahit paano ay makapagbigay halimbawa na agad ng kanilang husay at mabigyang babala ang mga walang takot na nagsasagawa ng nasabing pag-atake.
Kapag may isang nasampulan na nasakote at naikulong dahil sa cyberattacks ay tiyak na maghihinay-hinay na ang mga salbaheng ‘yan na walang iniisip kundi ang mamerhuwisyo.
Napapanahon ang isinagawang ito ng pamahalaan dahil matagal na tayong pinahihirapan ng mga nagsasagawa ng cyberattack — lantaran na ang panghihiya ng mga ito kaya marapat lang na kalusin na.
Maging ang pamunuan ng Philippine National Police-Anti-Cyber Group (PNP-ACG) ay aminadong kulang na kulang ang kanilang kakayahan sa pagsugpo ng mga cyberattack.
Marahil sa pinagsama-samang lakas ng mga eksperto ay makakakilos na ang PNP-ACG na gigil na gigil na ring hulihin ang mga gumagawa ng cyberattacks na hindi nila matukoy.
Sana maging ang mga naglipanang online scammers ay matukoy din dahil hanggang ngayon ay marami pa rin ang biktima sa kabila ng ipinapatupad na SIM card registration.
Kung mabubuo sa mas maagang panahon ang grupo ng mga ekspertong ito ay tiyak na mas maraming kababayan natin na bihasa sa computer ang maitataas pa ang antas ng kaalaman na sa huli ay dagdag operatiba na rin laban sa cyberattacks.
Naniniwala akong positibo ang hakbanging ito ni PBBM dahil sinu-sino nga ba ang magkakaamuyan sa kani-kanilang linya kundi sila-sila rin -- malamang sa malamang ay magkakakilala rin ang mga ‘yan.
Kaya hindi malayong ngayon pa lamang ay kinakabahan na ang mga nagsasagawa ng cyberattacks dahil maaaring ang ilan sa kanilang mga kasama ay na-recruit na ng Palasyo.
Alam nilang ito na ang magiging katapusan ng kanilang pang-atake sa mga ahensya ng pamahalaan dahil tiyak na mabubuko ang kanilang istilo ng mga eksperto na nagdesisyon nang umanib sa pamahalaan.
Kaya sa bagong cyber operatives ng pamahalaan, pagbutihin n’yo dahil ngayon pa lamang ay excited na ang marami nating kababayan na mapanagot ang mga nagsasagawa ng cyberattacks.
Malaking tulong din ang bagong panukalang batas na Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA) na lumusot na rin sa ikatlong pagbasa at dadaan na lamang ito sa bicameral conference upang pagsama-samahin ang mga bersyon bago lagdaan ni PBBM para maging isang ganap na batas.
Nakapaloob sa panukala na binibigyan ng limitadong karapatan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na imbestigahan ang financial account ng isang sangkot sa kahalintulad na krimen.
Ang AFASA bill ay nagbabawal at nagpaparusa sa mga krimeng pang pinansyal tulad ng money mule at paglabag sa economic sabotage.
Pinapayagan nito ang BSP na matapos magsiyasat ay mag-apply ng cybercrime warrants, order o request para sa assistance ng cybercrime units ng PNP o National Bureau of Investigation (NBI) sa pag-iimbestiga sa kinasasangkutang kaso.
Maging ang mga magsasagawa ng phising, account takeovers, money mule ay posible nang masampahan ng kasong kriminal.
Sa tingin ko ay tamang-tama ang tiyempo na binubuo ng Palasyo ang mga operatiba ng mga piniling cyber expert at kapag buo na ito ay magiging ganap na batas naman ang AFASA at taumbayan ang makikinabang sa direksyong ito.
Kaya sa mga masasamang loob online, bilang na ang mga araw ninyo!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com








Comments