Search
  • BULGAR

Pinoy Alaba, proud sa pagkampeon ng team Munich sa FIBA World Cup

ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 13, 2021





Nagkampeon ang Bayern Munich ng Alemanya sa FIFA Club World Cup Qatar 2020 matapos nila talunin ang Tigres UANL ng Mexico, 1-0, Biyernes ng madaling araw (oras sa Pilipinas) sa Education City Stadium. Ito na ang pangalawang Club World Cup ng makasaysayang koponan at pangalawa para kay Pinoy defender David Alaba na bahagi din ng mga unang nag-kampeon noong 2013 sa Morocco.


Isang goal galing kay Benjamin Pavard sa ika-59 minuto ay naging sapat para sa koponang Aleman sa gitna ng protesta ng Tigres. Binalikan ng reperi ang video at nakahinga ng maluwag ang Bayern matapos makita na wala silang nilabag at pinayagan ang goal.


Tinanghal na Golden Boot o Most Valuable Player si Robert Lewandowski ng Bayern sa bisa ng kanyang dalawang goal sa 2-0 panalo nila sa Al Ahly ng Ehipto sa semifinals noong Martes. Para kay Alaba na naglaro ng walang pahinga sa kanilang dalawang laban, ito na ang angkop na pagpaalam bago siya lumipat sa Real Madrid sa Espanya sa susunod na season matapos ang 13 taon sa Bayern.


Bago ang laban para sa kampeonato, kinailangan ng Al Ahly ng penalty shootout, 3-2, para mauwi ang Third Place laban sa Palmeiras ng Brazil. Walang goal ang dalawang koponan matapos ang 90 minuto at matibay si goalkeeper Mohamed Elshenawy sa pagpigil sa mga sipa ng Palmeiras habang nakapasok ang mga sipa nina Badr Benoun, Mohamed Hany at ang nagpapanalo ni reserba Junior Ajayi.


Napunta ang Fair Play Award sa Al Duhail ng punong abala Qatar na ginamit ang torneo bilang pagsubok ng kanilang kahandaan para sa FIFA World Cup 2022. Tinalo nila ang Ulsan Hyundai ng Timog Korea, 3-1, para sa Fifth Place noong Linggo.


Hindi na kailangan maghintay ng matagal ang mga tagahanga at gaganapin agad ang FIFA Club World Cup 2021 sa Japan ngayong Disyembre. Kakatawanin ang Asya ng kampeon ng 2021 AFC Champions League kung saan kalahok ang United City at Kaya Iloilo ng Pilipinas simula ngayong Abril.


Kamakailan ay binawian ng lisensiya at binawal ng AFC ang Shandong, ang kampeon ng 2020 Chinese FA Cup, na lumahok sa parating na ACL bunga ng hindi pagbayad sa mga manlalaro nila. Dahil dito, maaaring magbago ang mga makakaharap ng United City at Kaya at maglilipatan ang mga nalalabing koponan oras na pumili ng isa pang koponan galing Tsina bilang kapalit.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.