ni Ryan Sison @Boses | Sep. 27, 2024
Patuloy na tumataas ang bilang ng mga Pilipino abroad na nagpapakasal o nagiging partner ng mga dayuhan.
Ayon kay Commission on Filipinos Overseas (CFO) Secretary Leo Arugay, batay sa kanilang datos mataas ang bilang nito mula noong 2007, pero malaki ang ibinaba noong 2020 dahil sa COVID-19 pandemic.
Gayunman, nagsimulang dumami uli ang bilang noong 2022, kung saan ang CFO ay nakapagtala ng 6,854 kasal o partnerships sa mga foreign national.
Ito aniya ay nasa 40.1 porsyentong pagtaas mula sa 4,891 “intermarriages” na nai-record noong 2021.
Batay din sa records, karamihan sa kanila ay nagpakasal sa isang US citizen na nasa 2,808, na sinundan ng Australians na may 555, Canadians na nasa 396, Germans na may 335, at Japanese na nasa 307.
Binanggit naman ni Arugay na karamihan sa mga Pinoy na pumasok sa “intermarriage” ay nakilala ang kanilang mga ka-partner sa pamamagitan ng personal na pagpapakilala, workplaces o pinagtatrabahuhan, mga penpal na ipinakilala ng mga kamag-anak, internet, at mga ad at column.
Lumabas din sa datos ng CFO na sa 6,854 kasal, 663 ang lalaki at 6,191 ang babae, at marami sa kanila ay nagmula sa National Capital Region (NCR), na sinundan ng Calabarzon o Region 4-A, Central Luzon, at Central Visayas.
Bukod sa pag-aasawa, ayon kay Arugay maraming Pinoy ang nangingibang bansa sa iba’t ibang dahilan kabilang na ang family reunification, at iyong nag-migrate para magtrabaho at kalaunan ay nakakuha ng citizenship sa host country.
Sinabi naman ng opisyal na ang kagawaran ay nag-aalok ng guidance and counseling sa mga Pinoy bago umalis ng bansa bilang asawa o spouses, partner, o fiancé ng mga dayuhan.
Nakakatuwang isipin na marami pala sa ating mga kababayan ang nahahanap ang kanilang magiging katuwang sa buhay o panghabambuhay na kaligayahan sa piling ng mga dayuhan.
Totoo naman kasing masarap magmahal ang mga Pinoy dahil sa pagiging maasikaso at mapag-aruga. Kahit pa sabihing iba ang lahi ng papakasalan ay ginagawang alagaan nang husto at pagmalasakitan kaya siguradong susuklian din ito ng magiging asawang foreigner.
Kumbaga, iyan talaga ang mabuting katangian nating mga Pinoy.
Hiling lang natin sa kinauukulan na sa kabila na mas pinipili ng ating mga kababayang mamuhay o mag-migrate sa ibang bansa at mag-asawa ng mga dayuhan ay patuloy na alamin ang kanilang kalagayan dahil mananatili pa rin naman silang ating mga kalahi.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments