Pinasabog ng Lakers Big 3 ang Rockets; Jazz, nakatakas
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 4, 2021

Umuli ang Los Angeles Lakers sa bisitang Houston Rockets, 119-117, sa pagpapatuloy ng NBA kahapon sa Staples Center. Isang mas mabangis na Rockets rookie Jalen Green ang dumating subalit kinapos pa rin sa gitna ng matinding laro ng mga beterano ng Lakers na umakyat sa 5-3 at pangatlo sa Western Conference.
Uminit agad para sa 18 puntos si Green sa first half subalit nanahimik ng matagal hanggang ipasok ang magkasunod na tres upang lumapit na may walong segundo sa orasan, 117-118. Pinasok ni Malik Monk ang mahalagang free throw at may pagkakataon pa ang Houston subalit nagmintis ang tres ni Kevin Porter Jr. sabay sa huling busina.
Walang nakapigil sa Big 3 ng Lakers na sina LeBron James na gumawa ng 30 puntos at 10 assist, Russell Westbrook at Anthony Davis na may 27. Nagtapos si Green na may 24 puntos, malayo sa pito niya noong isang araw kung saan nanalo ang Lakers, 95-85.
Sumosyo sa pinakamataas na kartada sa buong liga ang Utah Jazz matapos takasan ang bisitang Sacramento Kings, 119-113, at samahan ang nagpapahingang Chicago Bulls sa 6-1. Winasak ng tres ni Bojan Bogdanovic ang huling tabla na 104-104 at bumanat ang Jazz sa huling apat na minuto upang mapigil ang mga hirit makabalik ng Kings.
Umapoy si All-Star Donovan Mitchell para sa 36 puntos at sinundan ng isa pang All-Star Mike Conley na may 36 puntos. Nalimitahan si Jordan Clarkson sa dalawang puntos na nagbukas sa fourth quarter, 92-87.
Pumantay din ang Miami Heat ni kabayan Coach Erik Spoelstra sa 6-1 matapos tambakan nila ang Dallas Mavericks, 125-110, sa pangunguna ni reserba Tyler Herro na may 25 puntos. Gumawa din ng malaki sina Jimmy Butler na may 23 puntos at Kyle Lowry at Bam Adebayo na parehong may 22 puntos.





Comments