top of page

‘Pinas, pasok sa listahan ng 10 ‘worst countries’ sa pagtrato sa manggagawa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 8
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | June 8, 2025



Boses by Ryan Sison

Muli na namang napabilang ang Pilipinas sa listahan ng 10 ‘worst countries’ para sa mga manggagawa. 


Bukod sa bansa, kabilang ang Bangladesh, Belarus, Ecuador, Egypt, Eswatini, Myanmar, Nigeria, Tunisia at Turkey.


Para sa isang bansang nagmamalaking umuunlad, paano maituturing na progreso kung ang mga tunay na tagapagtaguyod ng ekonomiya ay patuloy na binabalewala at matindi ang pagtrato? 


Ayon sa 2025 Global Rights Index ng International Trade Union Confederation (ITUC), ito na ang ikasiyam na sunod na taon na nanatili sa naturang listahan ang bansa — isang indikasyon ng patuloy na paglabag sa karapatan ng mga manggagawa at ng kawalan ng tunay na pagbabago sa sektor ng trabaho. 


Sa datos din na inilabas ng Workers Rights Watch (WRW), isang coalition ng mga labor group gaya ng Federation of Free Workers, Kilusang Mayo Uno, ACT, at Migrante Philippines, makikita ang matinding paglabag sa pangunahing karapatan ng mga manggagawa. 


Base sa ulat, pinakamadalas na nilalabag sa ‘Pinas ang karapatang magwelga na may 87%, sumunod ang pagkontra sa collective bargaining na nasa 80%, pagbabawal sa pagtatatag o pagsali sa unyon na may 75%, at kawalan ng akses sa hustisya na nasa 72%. 


Kahit pa nagbaba na si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ng Executive Order No. 23 na bumuo sa Inter-Agency Committee (IAC) on Freedom of Association, tila kulang ito sa bisa. Walang regular na konsultasyon sa mga manggagawa, at ang unang pagharap ng komite sa sektor ay reaksyon lamang sa inilabas na ulat ng WRW noong Marso. 


Bukod pa rito, walang malinaw na parusa sa mga lumalabag sa guidelines, at hindi saklaw ang mga manggagawa sa pampublikong serbisyo at informal na sektor. 


Sa panig ng gobyerno, iginiit naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi raw tinitingnan ng ulat ang naging pagsisikap ng administrasyon para sa mga manggagawa. 


Gayunpaman sa kabila ng ganitong pahayag, nananatiling malinaw ang mga datos at testamento mula sa mismong sektor na biktima ng sistema. 


Ang paulit-ulit na mapasama ang Pilipinas sa listahang ito ay hindi lamang kahiya-hiya — isa itong matinding dagok sa dignidad ng bawat manggagawang Pinoy. Marahil, panahon na upang kilalanin ng gobyerno na hindi sapat ang mga papel na kautusan o pangako lamang. Kailangan ng konkretong aksyon ng pamahalaan at tunay na partisipasyon ng mga manggagawa sa mga usaping tumutukoy sa kanilang karapatang pantao, kabuhayan, at katarungan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page