‘Pinas, nagpasaklolo sa Japan para sa mga nawawalang sabungero
- BULGAR

- Jul 6
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | July 6, 2025

Muli na namang uminit ang usapin tungkol sa ‘missing sabungeros’. Kasong tila nilimot na, pero pilit binubuhay ng mga naiwang pamilya na naghahangad ng hustisya.
Mahigit dalawang taon na ang nakalipas mula nang bigla na lang maglaho ang 34 katao na mula sa mundo ng sabong. Subalit ayon sa testigo na si alyas “Totoy”, posibleng umabot pa sa 100 ang tunay na bilang ng mga nawawalang sabungero, na patay na, at nakabaon umano ang mga ito sa Taal Lake.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, may mga bagong testigo na umano’y makapagtuturo kung saang bahagi ng Taal Lake itinapon ang mga biktima. Hinihinalang 15 miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang sangkot, at ngayon ay iniimbestigahan at isinailalim na sa ‘restricted duty’.
Habang naghihintay ang mga pamilya ng mga nawawalang sabungero, unti-unti na ring nagkakaroon ng linaw at may direksyon na ang imbestigasyon. Kaya marahil humingi na rin ang DOJ chief ng tulong mula sa Japan para sa lakebed mapping — isang teknolohiyang makakatulong upang masala ang bawat sulok ng Taal Lake, kung saan posibleng nakabaon doon ang mga biktima. Giit pa ni Remulla, kailangan ng scientific approach sa naturang kaso at hindi maaaring iwanan o ipaubaya ito.
Habang ang sabong ay patuloy na isinasabuhay online ng ilan, mas dumarami rin ang nahuhumaling sa sugal, pero kadalasan ang kapalit nito ay hindi lang pera, kundi mismong buhay. Malaking industriya, subalit tila bulag sa katotohanang ito rin ang pinagmumulan ng serye ng mga krimen na hindi pa rin nalulutas.
Sa kasalukuyan, lumalabas pa rin na ang mga pulis at sabong operator ay nagtuturuan, habang ang mga pamilya ng ‘missing sabungeros’ ay nagsasakripisyo at umaasang makikita pa rin ang kanilang mga buto o labi, at hindi mababaon na lamang ang lahat ng katotohanan.
Hindi lang ito istorya ng krimen — ito ay maituturing na sistematikong kapabayaan, ng kawalang katarungan, at ng kulturang tila mas pinapahalagahan ang magkapera kaysa
sa buhay.
Marahil sa tulong ng bansang Japan at sa teknolohiyang dala nito, matutugunan ang matagal nang hinahanap na hustisya ng mga naiwan at mga naagrabyadong pamilya.
Nawa’y managot ang tunay na maysala at mabigyang pag-asa ang bawat pamilyang nawalan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments