'Pinas, low-risk na sa COVID, good news!
ni Ryan Sison - @Boses | October 27, 2021
Dahil sa patuloy pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa nakalipas na dalawang linggo, inilagay na ng Department of Health (DOH) ang buong bansa sa ‘low risk’ classification.
Paliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, lahat ng rehiyon sa bansa ay nakapagtatala na lamang ng moderate-risk at low-risk classification.
Base sa datos ng ahensiya, low-risk din ang bed utilization rate sa bansa, habang moderate risk pa ang ICU utilization rate dahil mas matagal umanong mabakante ang mga ICU ng mga ospital dahil mas matagal ding gumaling ang mga may malalang uri ng sakit.
Gayunman, nananatiling moderate risk ang Cagayan Valley, Zamboanga Peninsula, Cordillera Administrative Region, MIMAROPA, Ilocos Region at National Capital Region.
Kasabay nito, nagpaalala ang DOH na kung sakaling lalabas ngayong Kapaskuhan, sundin ang health protocols at iwasan ang malakihang pagtitipon.
Samantala, pinaghahandaan na ng World Health Organization (WHO) ang pagiging endemic o pagiging bahagi ng buhay ng bawat bansa ng COVID-19.
Ayon pa sa WHO, hindi pa nila nakikitang mawawala sa mundo ang COVID-19 at magagawa lamang ito kung patuloy nang mababakunahan ang mas maraming tao at hindi ititigil ang mga ipinatutupad na hakbang para maprotektahan ang kalusugan.
Magandang balita ito para sa lahat dahil ibig sabihin, mayroong mabuting dulot ang lahat ng sakripisyo, pagsisikap at mga programa ng gobyerno kontra COVID-19.
‘Yun nga lang, hindi pa rin sapat na dahilan ito upang magrelaks-relaks tayo. Tulad ng sinabi ng WHO, hindi pa rin nawawala ang COVID-19, kaya kung tutuusin, ngayon higit na dapat mag-ingat, lalo pa’t hindi naiiwasan ang muling pag-mutate ng virus na nagreresulta sa iba’t ibang variant.
Gayundin, ngayong nalalapit ang holiday season at nasa maluwag na quarantine classification ang NCR, hinay-hinay lang sa paglabas at ipagpatuloy ang mga nakasanayang pag-iingat.
Hindi pa tapos ang ating laban sa pandemya, kaya pakiusap sa lahat, maging bahagi ng solusyon at ‘wag maging sakit ng ulo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments