top of page

‘Pinas, kailan lalaya sa dinastiya?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 28
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 28, 2025



Fr. Robert Reyes


Malapit na ang Halloween at nagkalat na ang mga nakakatakot na dekorasyon kung saan-saan. Kakain ka na lang sa mga resto ay nakatingin sa iyo ang mukhang zombie.


Maglalakad ka sa gabi at makikita mo ang mga babaeng nakaputi na pawang walang mga mukha at gusot ang mga buhok na nakatayo sa tabi ng mga swing at seesaw. 


Hindi naman natatakot ang karamihan dahil nagkalat na mga dekorasyong inihahanda sa paglabas ng mga batang naka-make-up at nakadamit multo, vampire, zombie at iba pang mapapanood sa mga nakakatakot at kathang-isip lang na pelikula. 


Ngunit, hindi kathang-isip ang ating mga problema, hindi rin pelikula. Kung pelikula man ay kaumay-umay na ang mga ito dahil paulit-ulit na. Hindi lang umay kundi galit, sobrang galit na ang marami. Kung ramdam ito ng mga nakatatandang naghihintay dumalo sa malalaking rally kapag Linggo, halos araw-araw sa mga unibersidad at kolehiyo, naglalabasan at nagwa-walk-out ang mga mag-aaral bilang pagtutol sa malalang katiwaliang nagaganap sa bansa. Iisa ang malakas na isinisigaw paulit-ulit ng ating mga kabataan: “Mga kurakot, ikulong na ‘yan!”


Noong nakaraang Miyerkules, Pista ni Santo Papa Juan Pablo II, nakausap natin ang isang kilalang lider ng oposisyon. Mahaba ang aming usapan at iisa ang tema -- ang mga dinastiya. Sabi niya, maski na mag-rally at mag-rally ang mga mamamayan laban sa sari-saring abuso mula korupsiyon hanggang extra-judicial killings, wala pa ring magbabago dahil hawak ng mga dinastiya ang lahat ng sangay ng pamahalaan. Sino ang mga korup, ang mga kurakot? Sino ang mga korup na senador at kongresista? Hindi ba’t lahat sila ay bahagi ng mga dinastiya? 


Nang pinalitan si Rep. Martin Romualdez ni House Speaker Bojie Dy noong nakaraang buwan, napangiti na lang tayo. Naalala natin ang dating Gov. Grace Padaca na tinulungan at ipinaglaban noong siya ay gobernadora ng Isabela. Dahil sa kanyang sipag, tatag at integridad dalawang beses nanalong governor si Padaca, ngunit sa eleksyon para sa kanyang pangatlong termino, pinaghandaan na siya nang todo. Ibinuhos nang husto ang pondo at pangangampanya ng mga Dy upang bawiin kay Grace ang kanilang trono. Natalo si Padaca at mula ngayon parang anay na kumalat ang dinastiya ng mga Dy sa buong Isabela mula gobernador pababa sa mga mayor at barangay captain.


Hindi lang si Speaker Bojie Dy ang miyembro ng dinastiya. Napakalaking porsyento ng mga Kinatawan ng bayan ang dinastiya. Iilan lang ang hindi dinastiya sa Kongreso. Kaya anumang kampanya para sa “Anti-Dynasty Law” ay inilalagay lang sa arkibyo ngunit hinding-hindi nakararating sa susunod na bahagi ng proseso sa pagpasa ng anumang batas -- ang first reading o unang pagbasa ng anumang panukalang batas.

Halos magdamag tayong gising noong Huwebes. Anumang pikit at pihit natin sa higaan, hindi na tayo makatulog uli. Umupo na lang ako at binuksan ang ilawan sa aking tabi. Kinuha ko ang cellphone at nagsimulang magsulat. Hindi ko alam kung bakit naisip ko ang mga katagang bukas-palad. At mula rito ay isinulat natin ang sumusunod na tula:


Bukas-palad isinilang

Diyos ang tanging sandigan

Mamulat sa paglaki

Sa salot ng walang paki.

 

Lipunang pantay-pantay

Dangal, karapata’y

Unti-unting kinakatay.

 

Salapi’t posisyon

Kanilang diyos-diyosan

Dinastiya kinalabasan.

 

Korupsiyon at inhustisya

Binalot sa ayuda

Hungkag na pag-asa

Tinatamasa

 

Malacañang at Senado

Hanggang Kongreso

Korte Suprema

Walang Sorpresa.

 

Mga hari-hariang

Gintong nakaw ang trono

Susuko sa Kanya

Magwawakas pagkakanya-kanya.

 

Hindi kayo, Siya lang

Hindi pamilya, yaman o ari-arian.

Siya ang iisang hari

Si Kristo lang.

 

Bukas-palad isinilang

Bukas-palad uuwi

Sa bayang walang dinastiya

Sa kahariang walang inaapi.


Nang matapos nating isulat ang munting tula, unti-unting luminaw ang kahulugan ng pamagat nito, “Bukas-Palad, Bukas Pilipinas Lalaya sa Dinastiya!”


Hindi pa tapos ang Jubilee Year na inilunsad ni Papa Francisco noong nakaraang taon. Magandang balikan ang titulo ng isang taong pagdiriwang na ito: Spes Non Confundit! Ang Pag-asa ay Hindi Dumidismaya! Para ito sa maraming dismayadong-dismayado sa mga kurakot na pulitiko.


Malapit na ang Pista ni Kristong Hari. Oo, ang Diyos, si Kristo ay bukal ng walang hanggang pag-asa. Hindi sila (mga dinastiya) ang hari, kundi ang Diyos, si Kristo, ang nag-iisa nating pag-asa!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page