top of page

‘Pinas, kailan kaya lalaya sa kasinungalingan?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 13
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 13, 2025



Fr. Robert Reyes


Isa sa hindi na mabilang na mga ‘advocacy runs’ na isinagawa natin ay ang “KatotoRunNa!” Sa takbong ito, binandera natin ang tanong, “Tunay Ba Ang Katotohanan?” 


Sa pangalan ng serye ng mga takbo mababasa ang “katoto,” ang salitang ugat ng katotohanan. Matalik na kaibigan ang katoto, at ganoon ang katotohanan, matalik na kaibigan ng tao ang anumang totoo. Naririnig natin ang salitang ‘user-friendly’ at ang gamit ng mga katagang Ingles ay sa mga kasangkapan, appliances o sasakyan. User-friendly ba ang anumang matatagpuan sa loob at labas ng mga bahay natin? 


Maganda ang ibig sabihin ng ‘user-friendly’. Una, madaling gamitin at madali rin ang mga instruction kung paano gamitin ang sasakyan, kagamitan, atbp. Pangalawa, mas simple ang dating, hindi kumplikado. Halimbawa, mula ‘stick shift’ o de-kambiyo na sasakyan, karamihan ngayon ay ‘automatic’ o wala ng kambiyong umaasa sa ‘clutch’. Kaya dalawa na lang ang tinatapakan: accelerator (paandar at pagpapabilis) at brake o preno. 


Gayundin ang mga tahanang hindi na kailangan ang susi o daliring pumipindot ng switch. Sapat na ang tinig na kilala ng computer ay susunod na ang mga bahagi sa bahay sa tinig. Turn on the light: sindihan ang ilaw at mag-iilaw. Open the door: buksan ang pinto at mabubuksan ang pinto. 


Ngunit, meron ding pangit na ibig sabihin ang ‘user-friendly’. Una, sanay gumamit o manggamit ng tao, kaibigan ka kung magagamit niya o simpleng manggagamit. Pangalawa, gusto ng isang opisina, institusyon na walang naaaksayang bagay o kagamitan. Dapat nagagamit nang maayos ang lahat at kasangkapan sa naturang lugar.

Ngunit, maselan at delikadong gamitin ang ‘user-friendly’ sa katotohanan. Puwedeng gamitin ito bilang ‘propaganda’. Ganito ang ginawa ng diktador na si Hitler na nangyari rin sa panahon ni Marcos Sr., at ganito rin halos ang ginawa ni dating Pangulong Duterte at ngayon ni President Bongbong Marcos.


Sa totoo lang ang labanan ngayon ay labanan ng katotohanan. May kuwento ang bawat panig at pagalingan ng paglikha ng istorya. Ang sikat na salita ngayon ay “naratibo” o paggawa o pagbabahagi ng naratibo. Maraming naratibo o kuwento na hindi totoo, may hindi masyadong totoo at may pagkabaluktot sa katotohanan. 


Naalala pa natin nang naroroon tayo sa mga unang pagdinig ng kaso ni dating senadora at ngayon ay Rep. Leila de Lima. Kasinungalingan ang mga paratang laban kay De Lima. Tumagal ng halos pitong taon ang pagkakakulong niya. Linggo-linggo ay naroroon tayo sa kulungan niya sa Crame Custodial Unit upang mag-alay ng banal na misa para sa kanya. Naroroon din tayo sa kanyang paglaya na noong Nobyembre 13, 2023, ipinagkaloob ng korte ang pansamantalang paglaya ni De Lima. Patunay na mula noon hanggang ngayon, unti-unting nagtatagumpay ang katotohanan sa kasinungalingan. 


Ngunit tuluy-tuloy pa rin ang kabaliktaran. Patuloy din ang pagkakalat ng kasinungalingan, ang fake news at ang malaking industriya ng ‘trolling’ ang mga propesyonal na lumilikha at nagpapalaganap ng kasinungalingan. 


Naging ‘user-friendly’ na talaga ang kasinungalingan. Balita sa akin ng isang kaibigang may kakilalang ‘troll’ na nagmamalaki sa kanya: “Magandang hanapbuhay ito. Kapag masipag at mahusay kang magsinungaling, sisiw ang P100,000 araw-araw!” Ngunit, alam na ng lahat na meron pang tatalo sa kinikita ng mga trolls. Nalalaman na ng lahat ang tunay na istorya ng pagwawaldas ng pondo ng bayan sa mga pekeng flood control projects.


Ito ang dahilan ng pag-uusap ng ilang nagmamalasakit na mamamayan noong nakaraang Biyernes, October 10. Nagkasundo ang mga nagtipun-tipon na talakayin ang posibleng programa ng paghahanap at paglalabas ng katotohanan para sa kapakanan ng lahat. Ginawa ito sa “South Africa” ni Nelson Mandela na sa kanyang paglaya, unti-unting lumaya na rin ang kanyang mga mamamayan sa salot ng kasinungalingan ng “apartheid,” ang sistematikong paghihiwalay ng mga puti sa itim at pagpapairal ng kasinungalingang “mas mataas, mas matalino, mas may karapatan ang mga puti sa itim.”


Ang Pilipinas kailan kaya lalaya sa kasinungalingan? Kailan kaya tayo magiging katoto ng katotohanan?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page