top of page
LET’S SEE - AGOT, BIANCA, DINGDONG ATBP. ATENISTA, TAMEME SA KAHIHIYAN NG ATENEO SA PAGKAM

Pinapayagan ba ang “testimonial evidence” para patunayan ang kawalan ng kakayahang kumita?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 14 hours ago
  • 2 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 12, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ang aking asawa ay namatay nang masagasaan ng isang rumaragasang delivery truck habang tumatawid siya sa kalye. Namatay siya sa ospital dahil sa mga pinsala na natamo niya. Nais ko sanang humingi ng danyos para sa pagkawala ng kanyang kita sa hinaharap dahil siya ang pangunahing nagtataguyod ng aming pamilya. Subalit, ang mga mahahalagang rekord na maaaring sumuporta sa aking habol, tulad ng mga payslip ay nasira ng mga nagdaang bagyo. Mayroon pa bang ibang paraan upang makuha ang mga danyos na ito? — Eron





Dear Eron, 


Pinapayagan ang testimonial evidence para patunayan ang pagkawala ng kakayahang kumita. Ayon sa kasong Vivian B. Torreon and Felomina F. Abellana vs. Generoso Aparra, Jr., Felix Caballes, and Carmelo Simolde (G.R. No. 188493, December 13, 2017, sa panulat ni Honorable Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen), “[i]n civil cases, [a person] is only required to establish [one’s] claim by a preponderance of evidence. Allowing testimonial evidence to prove loss of earning capacity is consistent with the nature of civil actions.” Ayon sa kasong Sps. Arturo Condes and Nora Condes vs. The Court of Appeals (G.R. No. 161304, July 27, 2007, sa panulat ni Honorable Associate Justice Antonio E. Nachura), ang ibig sabihin ng preponderance of evidence ay “evidence which is of greater weight, or more convincing than that which is offered in opposition to it.” Ito ay katibayan na mas matimbang, o mas kapani-paniwala, kaysa sa katibayang iniharap bilang pagtutol dito.


Kaugnay nito, tinanggap ng Korte Suprema sa kasong Ernesto Pleyto vs. Lomboy (G.R. No. 148737, June 16, 2004, sa panulat ni Honorable Associate Justice Leonardo A. Quisumbing) ang testimonya ng biyuda ng namatay bilang batayan upang tantyahin ang kanyang kakayahang kumita. Sa nasabing kaso, idineklara ng Korte Suprema na ang pagkabigong magharap ng ebidensiyang dokumentaryo upang suportahan ang paghingi ng kabayaran para sa pagkawala ng kakayahang kumita ng namatay ay hindi nangangahulugang lubusang ikasisira ng kaso. Sapat na ang testimonial evidence upang makapagtatag ng batayan kung saan maaaring gumawa ang Korte ng isang makatarungan at makatwirang pagtatantiya sa pagkawala ng kakayahang kumita. Samakatuwid, ang testimonya ng biyuda ng namatay ay sapat upang magtatag ng batayan para sa pagtatantiya ng danyos para sa pagkawala ng kakayahang kumita.


Sa iyong kaso, bagamat nasira ng bagyo ang mga rekord ng iyong namayapang asawa kaugnay ng kanyang trabaho, maaari ka pa ring magpresenta ng testimonial evidence para patunayan ang kanyang kakayahang kumita. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page