Pinapatay ang impeachment trial, kaya bang patayin ang katotohanan?
- BULGAR

- Jul 30
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 30, 2025

Noong nakaraang Huwebes ng gabi, pinanood natin sa Arete Theater, Ateneo de Manila ang isinapelikulang dulang “Nasaan Si Hesus”. Kasama natin ang ilang parokyano hindi lang para manood kundi para suportahan si Gng. Bing Pimentel, biyuda ni dating Sen. Nene Pimentel.
Ang mga awit (titik at musika) ay isinulat ni Nanay Bing noong 2017. Sa taong iyon, naipalabas din ang dula na tinampok ang mga likhang awit ni Nanay Bing sa lobby ng Cultural Center of the Philippines bilang parangal sa kanyang asawang si Nene Pimentel. Pagkatapos ng dulang iyon, inawit ni Nene Pimentel ang “You Are My
Sunshine, My Only Sunshine” bilang parangal sa kanyang mahal na asawang si Bing.
Pagkaraan ng dalawang taon, noong Oktubre 20, 2019, pumanaw si ex-Sen. Nene Pimentel. Sayang at pagkalipas ng halos anim na taon, naisapelikula na rin ang dulang katha ni Nanay Bing Pimentel, ngunit hindi na ito napanood ng yumaong senador. At sa gitna ng masungit na panahon dulot ng mga Bagyong Crising, Dante at Emong, tuloy ang palabas ng pelikulang “Nasaan si Hesus” sa Arete Theater ng Ateneo.
Puno ang teatro, nakakagulat ang dami ng nanood sa kabila ng kalamidad. Dumating ang mga taga-Cavite kung saan kinuha ang maraming eksena ng pelikula. Naroroon ang maraming madre at pari sampu ng mga pastor ng Simbahang Protestante. Dumating din ang dalawang mataas na lider ng Simbahang Katolika na sina Cardinal Pablo David ng Diyosesis ng Caloocan at Obispo Elias Ayuban ng Cubao.
Ganap na alas-8 ng gabi nagsimula ang pelikula. Kantahan at palitan ng mga malalaman na usapan ang buong pelikula.
Umikot ang istorya sa iba’t ibang aspeto ng buhay pananampalataya ng mga karaniwang Katoliko. May mga eksena sa parokya na ipinakita ang hamon laban sa kababawan ng tsismis at ang kontradiksyon ng salita at gawa (“Split-Level Christianity”); ang mahalaga ngunit hindi madaling papel ng mga pari sa pamamalakad ng parokya; ang papel ng mga relihiyoso, partikular ang mga madre na nagpapatakbo ng mga institusyon na madaling malayo at mahiwalay sa tunay na buhay ng mga naghihirap na karaniwang mamamayan lalo na ang mga nasa kalye sa katauhan ng mga batang grasa; ang mga Kristiyanong may-ari ng mga business tulad ng mapagsamantalang may-ari ng maliit na grocery (na tatlong taong hindi nagbabayad ng SSS contribution); ang trapong congressman na nagpamudmod ng pera (vote buying) bago mag-eleksyon; ang pamilyang dumaraan sa krisis ng anak na menor-de-edad na nabuntis, at ang ama nitong nagloloko na hindi alam ng asawa. Ang lahat ng eksena ay pawang sinaklaw bandang hulihan ng awit ng pamilyang nagpatawaran, anak na pinatawad ng mga magulang at ang asawang umamin sa pangangaliwa at humingi ng tawad. Dahil sa kababaang-loob ng mga tinanggap ang pagkukulang at humingi ng tawad, dumaloy ang biyaya ng Diyos na mapagmahal at mapagpatawad.
May aral ang bawat eksena ng pelikula ngunit hindi ito pilit na nangangaral. Ito ang kagandahan ng awit o sining. Hindi kailangang sumigaw at makipagdebate at manalo sa argumento. Pagtatanong, paghahanap, panalangin ang pinaiiral. Hinihintay na dumating at makialam si Hesus sa buhay ng mga nahihirapan, nalilito at nagpupunyaging humanap ng tamang daan at desisyon. Sa hulihan ng dula, nagtagumpay ang biyaya ng Diyos sa kabila ng lahat ng mga hadlang.
Ito rin ang tanong sa lahat ng mga nangyayari sa mas mataas at malawak na antas ng buong bansa.
Noong nakaraang Biyernes ay ipinahayag ng Korte Suprema na hindi ayon sa Konstitusyon (“unconstitutional”) ang articles of impeachment ni Vice President Sara Duterte. Kagulat-gulat ba ito? Hindi na kataka-takang ganito ang lumabas na pahayag mula sa Korte Suprema na sa 13 mahistrado, 11 ay appointees ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, isa ay Benigno Aquino III appointee at isa at tanging appointee ni Ferdinand Marcos, Jr.
Bakit ngayon lang naglabas ng statement ang Korte Suprema? Bakit Biyernes ng hapon, katapusan ng linggo o dalawang araw na lang bago ang State of the Nation Address ng Pangulo?
Nagsunud-sunod ang mga pahayag laban sa desisyon ng Korte Suprema. Nagplano ang iba’t ibang grupo ng mga pagkilos upang kondenahin at labanan ang hakbang ng paghahadlang ng Korte Suprema sa impeachment process.
Nasaan si Hesus sa mga pangyayaring ito? Malinaw na naroroon siya sa pagsisikap na protektahan at ilabas ang katotohanan. Wala si Hesus sa ano mang paghahadlang at pagtatakip sa katotohanan. Sa halip na masiraan ng loob, maraming buo ang loob na ipaglaban ang totoo at mabuti.
Wala si Hesus sa tila kasinungalingan at anumang legal umanong maniobra na gamitin ang mga korte, para patayin ang proseso ng paghahanap ng katotohanan sa pamamagitan ng impeachment trial. Naroroon ang katotohanan… naroroon si Hesus!








Comments