top of page
Search
  • BULGAR

Pinalakas na Anti-Hazing Law, hindi pa rin kinakatakutan

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 12, 2022


Hunyo 29, 2018 sa panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay nilagdaan nito na ang Republic Act No. 11053 o ang batas na mag-aamyenda sa Republic Act 8049 o ang anti-hazing and regulation of their initiation rites of fraternities, sororities and other organizations.


‘Yung umiiral nating anti-hazing law ay mas pinalakas pa at tatawagin itong anti-hazing act of 2018, ibig sabihin, labag sa batas ang anumang klase ng initiation right na maituturing na hazing.


Nakapaloob din dito na kailangang humingi ng kaukulang permiso sa mga awtoridad ang kahit anumang organisasyon, pitong araw bago isagawa ang initiation rites at hindi din dapat lalampas sa tatlong araw ang gagawing initiation activities ng mga fraternities, sororities at iba pang organisasyon.


Binigatan din ng bagong batas ang parusa dahil reclusion perpetua o habambuhay na pagkabilanggo ang ipapataw sa mga magkakasala, tulad halimbawa na mapatunayang nagkaroon ng hazing at nauwi sa pagkamatay, rape, sodomy, mutilation o pagkaputol ng anumang bahagi ng katawan ang biktima ng hazing.


Bukod sa pagkakakulong ay inaatasan din ng batas ang mga mapatutunayang direktang sangkot sa hazing na magmulta ng tatlong milyong piso upang mas mapabigat pa ang naturang batas.


May pananagutan din ang mga school authorities kabilang ang faculty, mga opisyal ng barangay, municipal at city officials o kung sino mang magbibigay ng karapatan para payagang isagawa ng hazing.


Kasong reclusion temporal o pagkakakulong ng hanggang sa 30-taon at mapagmumulta pa ng isang milyong piso ang sinumang mapatutunayang alam nila ang ginaganap na hazing, ngunit wala silang ginawa para pigilan o hindi nagsikap na tumawag ng maykapangyarihan.


Ganyan kabigat ang inamyendahang batas laban sa hazing ngunit tila hanggang ngayon ay hindi ito kinatatakutan ng mga patuloy na nagsasagawa ng hazing at patuloy na binabalewala ang naturang batas.


Tuluy-tuloy pa rin ang hazing ng iba’t ibang fraternities at ang mga military academy sa bansa na tila wala pa ring batas na sasapat para tuluyan nang mapatigil ang karahasang nagaganap sa pagpasok sa mga samahang ito.


Ang pinakamatindi sa lahat, 21 pulis ang sinampahan ng kaso nitong nakaraang linggo ng Police Regional Office (PRO) 5 dahil sa pagkakasangkot umano sa hazing na ikinasawi ng kapwa nila pulis na si Patrolman Jaypee De Guzman Ramores.


Dalawang opisyal at 19 tauhan ng 503rd Maneuver Platoon ng Regional Mobile Force Battalion 5 ang sinampahan ng kaso at pare-parehong nahaharap sa kasong kriminal at administratibo dahil sa pagkamatay ni Patrolman Ramores nitong Hulyo 26.


Base sa binuong Task Force na siyang nag-imbestiga sa naturang pangyayari ay positibong sangkot ang mga salarin sa naturang pagpatay at nahaharap sila sa kasong RA 8049 o Anti-Hazing Act sa Masbate Prosecutors Office.


Dahil mga pulis ang mga suspek ay nahaharap din sila sa kasong administratibo na didinggin naman ng Philippine National Police-Regional Internal Affairs Service 5 (PNP-IAS) Region 5 sa lalong madaling panahon.


Nadiskubre umano ang itinatago-tago ng mga pulis nang magsagawa ng noontime road run ang biktima sa San Jacinto, Masbate ng bigla na lamang itong mag-collapse kaya agad na isinugod Ticao District Hospital ngunit bandang alas-5: 00 ng hapon ay pinauwi rin matapos magpahinga.


Hulyo 26 ay muling hinimatay ang biktima at ng isugod ito sa dati ring pagamutan ay hindi na ito umabot ng buhay at nadiskubre sa resulta ng kanyang autopsy na nakaranas ito ng cardiorespiratory arrest, deep vein thrombosis secondary to pulmonary embolism at multiple physical injuries secondary to blunt trauma.


Dito na nabuko na grabe ang tinamo nitong pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan, sunog sa dibdib, mga sugat sa tuhod at paa at napakarami pang hindi maipaliwanag na injury na naging sanhi ng maaga niyang pagkamatay.


Ang masaklap, mga kaanib ng Philippine National Police (PNP) ang pinag-uusapan natin, silang mga sinanay ng pamahalaan para magpatupad ng umiiral na batas ang sila pang nagsama-sama at nagkasundong labagin ang batas.


Kaya nga inamyendahan ang anti-hazing law para matakot ang mga gumagawa nito dahil alam naman nating talamak pa rin ang hazing sa maraming paaralan lalo pa at nalalapit na naman ang pagbubukas ng face-to-face classes.


Kahit hindi natin maintindihan ay pilit nating iniintindi na ang mga lumalabag sa batas ay mga estudyanteng kung hindi nabuyo ay natakot lamang na mapag-initan ng mga miyembro ng fraternity.


Pero ang mas mahirap intindihin ay itong kinasangkutan ng mga kaanib ng Regional Mobile Force Battalion 5 ng PNP, na sa loob mismo ng kanilang hanay ay may nangyayari palang tahasang paglabag sa batas at hindi ito magaganap kung hindi ito alam ng mga matataas na opisyal ng PNP.


Sa resulta ng imbestigasyon ng binuong Task Force ng PNP ay 21 ang dapat managot, totoo kaya ang detalyeng nilalaman ng isinampang kaso o sadyang butas-butas para maabsuwelto rin sa huli ang mga pulis na sinampahan ng kaso ng kapwa rin nila pulis.


Subaybayan natin ang kasong ito kung maipatutupad ng tama ang umiiral na batas kung lahat ay mabibilanggo ng habangbuhay at magbabayad ng tigtatatlong milyong piso.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.co

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page