Pinakamataas sa kasaysayan... Piso sadsad sa P63.06 vs. dolyar

ni Mylene Alfonso @Business News | October 16, 2026

Photo: Umabot sa P63.03 kada dolyar ang palitan ng pera, pinakamataas sa kasaysayan.
Pinag-aaralan ng administrasyon ang mga karagdagang hakbang upang maibsan ang epekto ng patuloy na paghina ng piso sa mga Pilipino matapos umabot sa P63.03 kada dolyar ang palitan ng pera kahapon, pinakamataas sa kasaysayan.
Sa press conference sa Palasyo, binanggit ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro ang nagpapatuloy na krisis sa Middle East at epekto ng El Niño bilang ilan sa mga salik na nakaaapekto sa ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Castro, nararanasan na sa ilang lugar ang tagtuyot na nakaapekto sa mga magsasaka at mangingisda, na dagdag sa mga hamong pang-ekonomiya ng mga Pilipino.
Nagbabala rin si Castro na maaaring makasira sa imahe ng bansa at makapagpahina sa pagsisikap na makahikayat ng mga mamumuhunan ang political noise at pagkalat ng fake news.
“Parte ito ng maaaring makapagdulot ng pagtaas ng dolyar o pagbaba ng value ng peso, plus the political noise na intensyong isinasagawa para masira ang ginagawang pagsisikap na ginagawa ng administrasyon,” paliwanag ni Castro.
Nilinaw niya na nasa mandato ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga patakaran sa foreign exchange at ang pagganap ng piso.
Gayunman, tiniyak niya na patuloy na sinusubaybayan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ng administrasyon ang sitwasyon upang matukoy ang mga posibleng hakbang na makatutulong sa mga mamamayan.





Comments