top of page
Search
  • BULGAR

Pinakamalaking karma raw niya hanggang ngayon… CLAUDINE, SINISISI ANG SARILI SA PAGKAMATAY NI RICO

ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | May 6, 2024



Showbiz Photo
File photo: Claudine Barretto

Mahigit dalawang dekada na buhat nang pumanaw ang dating matinee idol na si Rico Yan pero hanggang ngayon, ay sariwang-sariwa pa rin sa alaala ni Claudine Barretto ang mga nangyari na parang kahapon lamang ito naganap. 


Sa panayam ni Ogie Diaz kay Claudine sa latest vlog niya ay ikinuwento ng aktres ang mga pangyayari sa kanilang relasyon ni Rico hanggang sa pumanaw ito nu’ng March 29, 2002.


Actually, kung hindi kami nagkakamali, parang ito nga ang unang pagkakataon na nagkuwento ang aktres ng mga detalye sa kanilang relasyon at sa pagkamatay ni Rico.

Kuwento ng aktres, that time ay magka-live-in sila ni Rico pero nakikipaghiwalay na raw siya talaga noong November, 2001. 


“Ang nangyari was, November, 2001, nasa Ad Congress siya. Pag-uwi niya, end of November, may nalaman ako at naghiwalay kami. Pero we were still staying under the same roof.


And ang usapan is January, move out. He was really sorry and he was asking pa na ayaw pa niyang umalis,” pagre-recall ni Claudine.


That time ay ginagawa raw nila ang movie nilang Got To Believe, na matatandaang ipinalabas ng February 27, 2002 na naging box office hit.


“So, parang sabi ko, ‘O, sige, let’s be professional, let’s work, pero hindi na tayo magkakabalikan kasi hindi na ako magiging ‘yung Claudine na gusto mo, na Claudine na minahal mo,’” kuwento ng aktres.


Dagdag pa niya, “Ang tagal kong pinrotektahan ‘yung pangalan ni Rico, pareho kaming may mali. Hindi ko lang talaga matanggap ‘yung time na ‘yun, kung anuman ‘yung nangyari during Ad Congress.”


Dumating ang January, 2002, sinabihan daw niya si Rico na kailangan na nitong umalis sa kanyang condo pero na-delay nang na-delay hanggang sa dumating ang buwan ng Marso.


“Tapos sabi ko, ‘Wala nang balikan ‘to, ‘yun na, let’s remain friends,’” aniya.

Nag-away daw sila ng March 4 at umabot ng March 5, pero nilinaw ni Claudine na hindi totoo ang lumabas na balita that time na sinaktan siya ni Rico.


“‘Yun ang gusto kong iklaro, ever. Hindi naman s’ya perfect, hindi ako perfect. Nagsigawan kami pero hindi umabot sa nananakit, hindi siya ganyan,” kuwento ni Claudine.

Ipinagtapat ng aktres na pinagsisisihan niya ‘yung gabi na tumawag si Rico sa kanya bago ito natagpuang patay sa kuwarto sa Dos Palmas Resort sa Palawan.


“March 29 ng madaling-araw, tumatawag siya,” aniya.


“Binlock ko ‘yung number n’ya. So, parang sinabi ng sister n’ya, ‘yung last call niya was sa sister niya at sa akin, 7 phone calls ‘yun na hindi ko talaga sinagot.”


Dagdag niya, “Alam mo ngayon, naisip ko, baka ‘yun ‘yung pinakamalaking karma ko.”

Tandang-tanda pa rin ng aktres ‘yung moment na nalaman niya na wala na si Rico that morning at umiiyak niya itong ikinuwento. Nasa Subic daw sila ng kanyang family that time at ang daddy niya ang nag-break ng news sa kanya.


“Hinawakan ako ng dad ko, both my hands, sobrang tight, and then he looked straight in my face and sabi n’ya sa akin, ‘Dine, you know that Rico is in Puerto Princesa, right?’ ‘Yes,’ sabi ko. Pero gumaganu’n (kumakabog) na ‘yung heart ko. ‘This morning,’ tapos nag-crack ‘yung voice niya, ‘they found him dead,’” umiiyak niyang kuwento.


“And alam mo ‘yung parang lumiit ‘yung kuwarto, parang dumilim and then I started shouting, ‘Open the blinds, open the lights,’” pagre-recall pa ng aktres.

Napag-usapan din nila ang tungkol sa pagbabawal ng pamilya ni Rico kay Claudine na pumunta sa burol nito na ayon sa aktres ay hindi niya alam kung bakit.


“Lahat ng ito, inuulit ko lang for the timeline. Pero lahat ‘to, all is forgiven,” sey niya.

Umiiyak pang sabi ni Claudine, matagal siyang nagalit sa sarili niya at sinisisi niya rin ang sarili sa pagkamatay ni Rico.


“Sana, malaman ng tao na dala-dala ko ‘yun araw-araw. Kung nandu’n ako, baka buhay pa siya, alam mo ‘yun?” emosyonal pa rin niyang wika.


“‘Yun ‘yung pinagsisisihan ko, baka kung nandu’n ako, baka nagawan ko ng paraan. Pero hindi rin ako doktor, hindi rin ako Diyos,” aniya.


At sa mga nagsasabing ginagamit niya si Rico dahil patuloy niya itong binabanggit hanggang ngayon, ani Claudine, “No, I just want him to be remembered.”

Ito na raw ang huling beses na pagsasalita niya about Rico at hindi na niya ito ikukuwento pa sa mga susunod niyang panayam.


“He’s already in God’s hands. But he’s always gonna be in my heart,” umiiyak pa ring sabi ng aktres.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page