Pinakamahusay na training at edukasyon, ibigay sa mga guro
- BULGAR

- Apr 3
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Apr. 3, 2025

Pinangunahan kamakailan ng Commission on Higher Education (CHED) ang Excellence in Quality Assurance in Teacher Education (EQUATE) Awards, kung saan kinilala ang mga Teacher Education Institutions (TEIs) na patuloy na nagpapakita ng kahusayan sa paghubog ng mga susunod na henerasyon ng mga guro.
Kinilala ang mga naturang TEIs para sa pagpapanatili ng pinakamataas na mga pamantayan pagdating sa pre-service teacher education programs. Para sa kaalaman ng ating mga kababayan, ang pre-service teacher education ay tumutukoy sa mga programa o kursong kinukuha ng mga nagnanais maging guro bago kumuha ng Board of Licensure Examination for Professional Teachers (BLEPT).Kabilang din sa mga kinilala sa EQUATE Awards ang mga patuloy na nagpakita ng mataas na marka sa BLEPT.
Binabati natin ang mga kinilalang TEIs at hangad nating ipagpatuloy nila ang pagpapakita ng kahusayan. Kung ako ang tatanungin, naniniwala akong ang ating mga guro ang may pinakamahalagang papel sa edukasyon ng ating mga kabataan. Kaya naman kung nais nating iangat ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa, mahalagang tiyakin din nating nakakatanggap ang mga susunod na henerasyon ng mga guro ng pinakamahusay na pagsasanay o training sa kolehiyo pa lamang.
Kaya naman isinulong natin ang pagsasabatas ng Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713) na layong itaas ang kalidad ng edukasyon para sa ating mga guro. Pinapatatag ng naturang batas ang Teacher Education Council (TEC) upang mapaigting ang ugnayan sa mga ahensyang may kinalaman sa edukasyon ng ating mga guro: ang Department of Education (DepEd), CHED, at ang Professional Regulation Commission (PRC).
Sa pamamagitan ng mas pinaigting na ugnayang ito, matitiyak nating natuturuan ang ating mga guro batay sa pangangailangan ng DepEd, lalo na’t sa ating mga pampublikong paaralan nagtuturo ang karamihan sa mga nagtapos mula sa mga TEIs. Matitiyak din natin na ang BLEPT ay akmang sukatan sa kahandaan ng mga gurong pumasok sa ating sistema ng edukasyon.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com








Comments