Pinag-aral maging piloto at tinulungang maging US citizen… AI AI, MINALAS NA SA 3 LALAKI, INIWAN DIN NG BATANG MISTER
- BULGAR
- Nov 11, 2024
- 3 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Nov. 11, 2024
Photo: Gerald at Ai Ai Delas Alas - Instagram
Labis na ikinabigla ng marami ang balita tungkol sa hiwalayan nina Ai Ai delas Alas at Gerald Sibayan, samantalang takaw-pansin din ang kanilang relasyon.
Umasa ang mga kaibigan ng Comedy Queen na may forever ang kanilang pagmamahalan kahit malaki ang age gap nila.
All-out ang ibinigay na suporta ni Ai Ai kay Gerald matapos nilang magpakasal noong December 12, 2017. Pinagtapos niya si Gerald upang maging ganap na piloto. Si Ai Ai rin ang tumulong upang maging ganap na US citizen si Gerald, ngunit lumabas din ang katotohanan.
At ngayong mismong 60th birthday ni Ai Ai, sa programang Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA) ay magkukuwento ito tungkol sa tunay na estado nila ngayon ni Gerald Sibayan.
Ayon sa mga unang naglabasang balita, dalawa ang itinuturong dahilan ng hiwalayan nina Ai Ai at Gerald. May third party daw na involved, at ang hindi nila pagkakaroon ng anak. Dalawang beses na sumubok si Ai Ai ng in vitro fertilization, pero hindi ito naging successful.
Sadyang walang suwerte sa pag-ibig si Ai Ai delas Alas. Tatlo sa una niyang relasyon ay nauwi rin sa paghihiwalay.
Una ay sa una niyang asawa na si Rey Malte Cruz, ang biological dad ng anak niyang si Sancho.
Pangalawa, sa singer na si Miguel Vera na tumagal ng dalawang taon at nagkaroon sila ng dalawang anak.
At pangatlo ay sa non-showbiz guy na si Jed Salang na kung matatandaan ay may issue ring pananakit kay Ai Ai.
NAAAWA kami at nanghihinayang sa Kapuso actor na si Ken Chan. Biglang-bigla ay nadiskaril ang kanyang magandang karera na matagal niyang pinaghirapan. Nahaharap siya ngayon sa matinding pagsubok na hindi niya napaghandaan. Sumablay ang mga negosyo niyang pinasok, at ang tanging kamalian na kanyang nagawa ay ang sobrang pagtitiwala sa mga taong kanyang katransaksiyon sa negosyo.
Sobrang nagmadali si Ken Chan na kumita agad nang malaki, at basta na lang siya pumasok sa negosyo na walang sapat na kaalaman.
Wish ng mga kaibigan at fans ni Ken Chan na sana, may mga taong tumulong sa kanya upang malutas ang kanyang mga kasalukuyang problema matapos siyang kasuhan ng syndicated estafa.
Sayang naman kung magsa-suffer ang kanyang career dahil sa mga problemang kinasasangkutan. Hindi naman siya scammer. Mabait siyang tao.
Sana ay mabigyan siya ng second chance.
MAGIGING bahagi ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis (WMNPSMNS) Season 3 si Jillian Ward, at mahalaga ang role na kanyang gagampanan. Doktora pa rin ang role niya, pero hindi seryoso, tulad ng karakter niya sa Abot-Kamay Na Pangarap (AKNP) bilang si Dra. Analyn Santos.
Medyo kikay at magko-comedy si Jillian Ward sa sitcom ni Sen. Bong Revilla, Jr.. Excited at tuwang-tuwa si Jillian na makatrabaho si Sen. Bong. Limang taong gulang pa lang siya noong magkasama sila sa pelikulang Ang Agimat at si Enteng Kabisote (AGASEK), at ngayong ganap nang dalaga si Jillian, nangako si Sen. Bong na gagawa silang muli ng pelikula.
Dapat ay last year pa ito nasimulan, pero naging abala si Jillian sa serye niyang AKNP.
Ngayong wala pa siyang follow-up project, magge-guest muna si Jillian sa iba’t ibang shows ng GMA-7 at magkakaroon din siya ng provincial shows.
BIRTH month ngayong November ni Rei Anicoche-Tan, ang CEO ng Beautederm Corporation. Sa halip na siya ang regaluhan, siya ang nag-donate ng P1 million sa Kasuso Foundation ni Ogie Diaz. Magkakaroon siya ng Closet Clean Up for a Cause. Dito ay magbebenta si Rei Tan ng mga luxury designer bags, shoes, clothes, atbp..
Ang kikitain sa Reinvent Your Style Closet Clean-Up ay ibibigay sa charity, sa Kasuso Foundation.
Masipag at dedicated sa kanyang negosyo si Rei Tan kaya lumaki nang husto ang Beautederm Corporation.. Mga kilalang celebrities ang kanyang mga brand ambassadors tulad nina Marian Rivera, Piolo Pascual, Carlo Aquino, Darren Espanto, Glaiza de Castro, Alma Concepcion, Shaira Diaz, Edgar Allan Guzman, Sylvia Sanchez, atbp..
Hindi lang beauty conscious si Rei Tan, kundi health conscious din! Kaya kahit gaano siya ka-busy sa kanyang mga negosyo, binibigyan niya ng importansiya ang kalusugan.
Comments